Gatchalian

Resident COA auditor nais ipaimbestiga

294 Views

BINATIKOS ni Senador Sherwin Gatchalian ang Commission on Audit (COA) dahil umano sa pagkabigong matukoy ang pandaraya sa mga kuwestiyonableng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na lumabas na “ghost” o substandard.

Aniya, isang simpleng pagsusuri ng mga dokumento ay dapat sana’y nagbunyag na ng mga babalang palatandaan.

Ibinunyag ni Gatchalian na may isang proyekto na iniulat umanong 89 porsyento nang tapos matapos lamang ang 15 araw mula sa notice to proceed at idineklarang ganap na natapos sa loob ng 34 araw.

Isa pa ang naitala umanong 46 porsyento nang kumpleto sa loob ng dalawang araw at 89 porsyento matapos ang 86 na araw. Dagdag pa niya, may magkakaparehong larawan umanong ginamit bilang ebidensya ng progreso sa iba’t ibang yugto, na dapat ay na-flag ng COA.

Bilang Chair ng Senate Committee on Finance, nanawagan si Gatchalian sa COA na imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng resident auditor na nakatalaga sa DPWH sa mga sinasabing “ghost” projects. “Hindi ako naniniwala na makakalampas ito sa COA kung hindi siya kasali sa modus,” aniya.“

Ang gusto natin, maibalik ang tiwala sa COA at managot ang mga dapat managot,” dagdag pa niya.