Acidre1

Acidre pinuri paglalaan ng pondo para mabayaran P12.3B utang ng gobyerno sa SUC

213 Views

Pinuri ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ang chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, ang paglalaan ng Kamara de Representantes ng pondo sa Commission on Higher Education (CHED) upang mabayaran na ang ₱12.3 bilyong utang ng gobyerno sa mga state universities and colleges (SUCs) sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (R.A. 10931).

Sa ginawang deliberasyon sa badyet sa Kamara, napagkasunduan na ₱7.82 bilyon ang ilalabas ng CHED mula sa Higher Education Development Fund (HEDF) nito at ang natitirang ₱4.49 bilyon ay isasama naman sa panukalang 2026 national budget.

Suportado ni Acidre ang pag-amyenda sa panukalang national budget upang mabayaran ang utang ng gobyerno sa mga SUC bukod pa sa higit ₱9 bilyon inilaan para sa Tertiary Education Subsidy at iba pang programa para sa susunod na taon.

“I commend the leadership of Congress and CHED for ensuring that the ₱12.3 billion deficit will now be fully funded. This is a victory for our SUCs and our students. But beyond immediate relief, we must fix the root of the problem. SUCs should not be penalized for growing enrollment when the law itself anticipated such growth and provided a lawful framework for appropriations,” ani Acidre.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng pagbabago sa polisiya upang matiyak ang pagpapatuloy ng programa, kabilang ang mahigpit na pagsunod sa tinatayang bilang ng mga estudyante bilang legal na batayan ng pagkukuwenta ng badyet, gayundin ang pagtatatag ng mid-year adjustment mechanism para tugunan ang mga diperensya kung sakaling lumampas ang aktwal na enrollment sa inaasahan.

“If we act now, we can guarantee that Free Higher Education will remain reliable, predictable, and sustainable for the millions of Filipino students who depend on it,” dagdag pa ni Acidre.