Calendar
Lacson nagtutulak ng P15B taunang programa para pasiglahin kape industry
NAGHAIN si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ng panukalang batas na magtatatag ng pambansang programa para paunlarin ang industriya ng kape, itaas ang kita ng mga magsasaka at bawasan ang pag-asa ng bansa sa imported na kape.
Ang Senate Bill 1556, o ang “Philippine National Coffee Industry Development Act of 2025,” ay naglalayong bumuo ng Philippine Coffee Board sa ilalim ng Department of Agriculture at magpatupad ng komprehensibong suporta para sa mga nagtatanim, nagpoproseso at nagnenegosyo ng kape.
“This measure seeks to establish a national framework that will accelerate the development of the coffee industry, create a National Coffee Board, strengthen every link of the value chain, improve the country’s competitiveness, and reduce our heavy reliance on imported coffee,” ayon kay Lacson sa panukala.
Sinabi niya na noong 1880s ay kabilang ang Pilipinas sa mga pangunahing coffee exporter sa mundo ngunit bumagsak ang industriya at ngayo’y kumukuha na ng hanggang 81 porsiyento ng pangangailangan mula sa ibang bansa. Marami pa ring magsasaka ang hirap sa luma at kakulangan sa kagamitan, post-harvest facilities, maayos na farm-to-market roads at sapat na binhi, pataba at bio-control inputs.
Layon ng panukala na gawing globally competitive ang bansa at maging net exporter ng kape pagsapit ng 2035. Tinututukan nito ang pag-angat ng kabuhayan ng maliliit na magsasaka na may hawak ng 95 porsiyento ng coffee farms, pati ang pagpapanatili at pagpapalakas ng mga lokal na barayti tulad ng Barako, Robusta, Arabica at Excelsa.
Sakop ng panukala ang paglikha ng regional coffee councils sa Cordillera, Southern Luzon, Davao, Bukidnon, Sultan Kudarat, Cotabato, SOCCSKSARGEN at iba pang lumalaking coffee areas.
Magsisilbing kapalit ng pribadong Philippine Coffee Board Inc. ang bagong Philippine Coffee Board.
Kasama sa National Coffee Replanting and Rehabilitation Program ang pagpapalawak ng coffee farms sa 250,000 ektarya sa loob ng sampung taon. Libreng ipamamahagi ang 150 milyong high-yield, climate-resilient seedlings, kasama ang technical assistance, P50,000-per-hectare establishment subsidy at insurance sa unang tatlong taon.
Sa ilalim naman ng Coffee Credit and Insurance Program, maglalaan ng P10 bilyon kada taon para sa production loans na may 3-percent interest at P5 bilyon para sa processing at marketing loans na may 4-percent interest. May kasama itong full crop insurance batay sa production cost at P2-bilyong calamity assistance fund kada taon.
Magbibigay ang Coffee Farmer Subsidy Program ng P5,000 kada ektarya bawat taon para sa fertilizer subsidy, price support na may garantisadong minimum farm gate prices at transport subsidy para sa mga magsasaka sa liblib at mataas na lugar.
Pangungunahan din ng Board ang pagtatayo ng coffee processing hubs, value chain integration, domestic market development at export promotion. Itatatag ang National Coffee Research Institute sa ilalim ng Department of Science and Technology para sa climate-resilient varieties, processing technologies, market research at ugnayan sa mga international research bodies.
Maglalaan ang panukala ng P15 bilyon kada taon sa unang limang taon: 40 porsiyento para sa production support, 15 porsiyento sa research and development, 20 porsiyento sa processing at infrastructure, 10 porsiyento sa marketing at promotion, 10 porsiyento sa institutional support at 5 porsiyento sa emergency at calamity fund.
“Through these reforms, the Philippines can steadily work toward regaining its place in the global coffee sector, while building an industry that is more responsive and productive—one that focuses on increasing yields, improving farmer incomes, strengthening technical skills, widening market opportunities, and ensuring long-term stability,” ayon kay Lacson.

