Calendar
Lacson sinabing mas transparent proseso ng budget kapag gumamit ng teknolohiya
UMAPELA si Senador Panfilo Lacson na gawing mas transparent ang proseso ng pambansang budget sa pamamagitan ng teknolohiya na kayang tukuyin kung sino ang nagmungkahi ng bawat pagbabago.
Sa pagdinig ng DBCC, iginiit ni Lacson ang pangangailangan ng secure at transparent na sistema. Aniya, “Is there any current technology available… para ma-track sino nag-propose ng amendments paglabas ng GAA?”
Tugon ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, kaya nilang subaybayan ang pagbabago mula NEP hanggang GAA ngunit hindi pa matukoy ang specific proponents kung walang opisyal na minutes ng mga pagdinig. Iminungkahi niya ang kasunduan sa pagitan ng Senado, Kamara, at DBM upang mapag-ugnay ang kani-kanilang sistema.
Binanggit din ni Lacson ang Project TINA (Technical Innovations in the National Expenditure Program Application), isang proyekto ng DBM na ipinangalan sa yumaong DBM Undersecretary at OIC Tina Canda. Layunin ng proyekto na palitan ang kasalukuyang NEP generation tool at lumikha ng sistemang mag-a-automate ng budget process sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura. Tanong ni Lacson, “Pwedeng i-expand natin all the way?” at sinagot naman ni Pangandaman ng, “We will do it.”
Bukod dito, iminungkahi ni Lacson ang pagdaragdag ng geo-tagging feature sa procurement dashboard ng GPPB para mas mapataas ang antas ng transparency. Pahayag niya, “At least the public should know in their respective areas like the Sumbong sa Pangulo or DPWH websites.”

