Laguna teachers nakatanggap ng bigas

Gil Aman Jan 29, 2026
162 Views

NAMAHAGI ng bigas para sa mga teaching at non-teaching personnel mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan si Gov. Sol Aragones kamakailan.

Layunin ng inisyatiba na makatulong sa araw-araw na gastusin ng mga kawani ng paaralan at kilalanin ang kanilang papel sa paghubog ng kinabukasan ng mga mag-aaral sa Laguna.

Isinagawa ang pamamahagi ni dating Luisiana Vice Mayor Luibic Jacob, katuwang ang Akay ni Gob Action Center at mga kawani mula sa Governor’s Office.

Kabilang sa mga tumanggap ng tulong ang mga empleyado ng iba’t-ibang paaralan, pampubliko man o pribado.

Nagpasalamat si Merlyn Alon, pangulo ng Private Schools Administrators Association of Biñan City, sa mga tulong na ibinigay sa kanila.

“Mula po sa lahat ng pribadong eskwelahan dito sa City of Biñan, nagpapasalamat po kami nang marami kay Gov. Sol Aragones sa pagbibigay ng bigas sa bawat isang empleyado ng private schools ng Biñan,” aniya.

Nagpapasalamat din si Evangelyn Bahoy ng St. Michael’s College of Laguna, sa tulong na ibinigay sa kanila.