Calendar
Tinutulungan ng mga medical staff ang isang babaeng nahilo sa Manila North Cemetery sa Sta. Cruz noong Biyernes. Isang fully equipped Level 3 na ambulansiya ang naka-standby sa sementeryo.
PNA photo ni Yancy Lim
Lahat ng ospital, central at regional offices ng DOH nasa code white alert hanggang Nobyembre 2
ITINAAS ng Department of Health (DOH) ang code white alert sa lahat ng mga ospital nito, pati na sa central office at mga tanggapan nito sa mga rehiyon sa buong bansa, hanggang Nobyembre 2 bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda para sa paggunita ng Undas.
Ang alerto, na isinagawa noong Oktubre 31, ay nagsisiguro sa kahandaan ng mga pasilidad ng DOH at mga healthcare worker upang tumugon sa anumang medical emergencies sa Undas weekend.
Inatasan din ang mga operations center ng mga ospital na makipag-ugnayan sa mga regional at central office ng DOH para sa maagap na pag-uulat at pagtugon.
Dalawang fully equipped Level 3 na ambulansiya ang ipinuwesto at naka-standby sa Manila North at Manila South Cemeteries upang tumulong sa mga bisitang maaaring mangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Nagpaalala si Health Secretary Ted Herbosa sa publiko na panatilihin ang tamang kalinisan at pag-iingat sa kalusugan, kabilang ang tamang pag-ubo at madalas na paghuhugas ng kamay o paggamit ng alkohol, lalo’t nasa flu season pa rin ang bansa.
Pinayuhan din niya ang mga bibisita sa sementeryo na magdala ng inuming tubig at maintenance na gamot, lalo na kung magtatagal sila sa lugar.
Samantala, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Maynila na handa rin silang tumugon sa mga pangangailangang medikal sa mga sementeryo, partikular sa Manila South Cemetery.
“At Manila South Cemetery this morning, the Manila City Disaster Risk Reduction and Management Medical Response Team together with the criminology interns and volunteers are on standby, ready to help our countrymen who will be visiting the cemetery this Undas,” ayon kay Manila Mayor Isko Moreno sa isang social media post nitong Sabado.
Dagdag pa niya, may isa pang medical team na ipinuwesto sa Manila North Cemetery.
“Rest assured, your City Government is on guard to ensure a safe, peaceful and orderly day,” aniya, kasabay ng pagtiyak sa publiko na may pinaigting na seguridad sa buong lungsod.
Ayon sa ulat ng Manila Public Information Office bandang alas-9 ng umaga, umabot na sa 97,000 ang tinatayang bilang ng tao na nasa Manila North Cemetery, habang 11,450 naman sa Manila South Cemetery. Philippine News Agency

