DFA

PH nakikipag-usap sa US para protektahan karapatan ng mga Pinoy na na-detain ng ICE

194 Views

MANILA – Nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga awtoridad ng United States upang maprotektahan ang karapatan ng mga Pilipinong na-detain ng Immigration and Customs Enforcement (ICE), habang pinalalakas ng administrasyong Trump ang kampanya laban sa imigrasyon.

“The Department of Foreign Affairs, through the Philippine Embassy and Consulates General in the US, remains actively engaged in assisting detained Filipino nationals to ensure their well-being and treatment according to the law and international standards,” sinabi ni Foreign Affairs Spokesperson Angelica Escalona sa isang statement nitong Sabado.

Ang pahayag ay kasunod ng akusasyon mula sa US-based Filipino civil rights advocates na diumano’y hindi pinapansin ng Embahada ng Pilipinas sa Washington, DC ang mga ulat ng kapabayaan sa medikal na pangangalaga sa mga detention center kung saan nakakulong ang mga Pilipino.

Sinabi ni Escalona na mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang kalagayan ng mga Pilipino roon at nagbabahagi lamang ng impormasyon kapag may pahintulot mula sa kanila.

Binigyang-diin niya na ang mga ulat ukol sa kalagayang medikal ay “based on information shared directly by the detainees or their families, and are raised with authorities as necessary.” Philippine News Agency