Layunin, batayan ng OVP confi funds lumitaw na iba iba

131 Views

IBA’T ibang nakasaad na layunin at batayan para sa confidential funds ng Office of the Vice President ang lumitaw sa mga dokumentong iniharap ng prosekusyon nitong Martes sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa direct examination kay OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio, iniharap ng prosekusyon ang August 22, 2022 funding request ng OVP, ang Physical and Financial Plan nito, mga certification na ginawa kalaunan, at ang November 30, 2023 response nito sa isang audit observation.

Sa August 22, 2022 letter kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, humingi ang OVP ng P250 milyon sa confidential funds para sa “safe implementation” ng mga proyekto at aktibidad sa ilalim ng Good Governance program at para sa official engagements at functional representation sa international at domestic events.

Walang binanggit na “surveillance,” information gathering o information agents sa bahaging iyon ng liham tungkol sa confidential funds.

Sa Physical and Financial Plan naman, nakasaad sa ilalim ng Good Governance Program ang “safe implementation of OVP projects and confidential activities.”

Hindi tinukoy sa bahaging ipinakita sa pagdinig kung ano ang mga naturang confidential activities.

Sa mga certification na iniharap sa impeachment court, lumitaw ang mas tiyak na pagtukoy sa mga aktibidad.

Sa certification na may petsang October 17, 2023, nakasaad na walang “untoward incidents” sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad ng OVP at sa engagements ng Vice President.

Sa iba pang certification na ipinakita, kabilang ang may petsang April 4, 2024, binanggit ang surveillance at information gathering, gayundin ang protective intelligence operations na, ayon sa mga dokumento, isinagawa bilang suporta sa seguridad ng Vice President at sa mga programa ng OVP.

Sa November 30, 2023 response naman sa isang Audit Observation Memorandum o AOM, binanggit ng OVP ang surveillance activities, information gathering at pakikipag-ugnayan sa information agents.

Ang AOM ay dokumento ng Commission on Audit na naglalaman ng audit observations na kailangang sagutin o linawin ng ahensiyang sinusuri.

Sinabi ni Ortonio na hindi siya personal na lumahok sa exploratory talks o pakikipag-ugnayan na tinukoy sa mga dokumento.

Sinabi rin niyang wala siyang natanggap na dokumentong nagpapakitang may nabuo nang pinal na kasunduan mula sa naturang mga pag-uusap.

“No documents were provided,” ani Ortonio.

Nag-manifest naman si defense counsel Atty. Kristine Ferrer na tinatanong si Ortonio tungkol sa Physical and Financial Plan at accomplishment reports kahit hindi siya lumahok sa paghahanda ng mga dokumentong iyon.

Batay sa mga dokumentong iniharap, nagkakaiba ang nakasaad na layunin at antas ng detalye ng mga aktibidad na iniugnay ng OVP sa confidential funds sa iba’t ibang panahon.