Calendar
Walang dokumento kay Ortonio sa OVP exploratory talks na iniugnay sa confidential activities
SINABI ni Office of the Vice President Assistant Secretary Lemuel Ortonio nitong Martes na wala siyang natanggap na dokumento tungkol sa exploratory talks o anumang pinal na kasunduan na may kaugnayan sa confidential activities ng OVP at hindi rin siya personal na lumahok sa mga naturang pag-uusap.
Lumabas ang testimonya sa direct examination ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang iniharap ang mga dokumentong kaugnay ng August 22, 2022 request ng OVP para sa karagdagang pondo, kabilang ang P250 milyon para sa confidential funds.
“No documents were provided,” ani Ortonio nang tanungin tungkol sa dokumentasyon ng exploratory talks.
Sinabi rin ni Ortonio na wala siyang nakitang dokumento na nagpapakitang may nabuo nang definitive o pinal na kasunduan.
Sa August 22, 2022 letter na ipinakita sa impeachment court, humingi ang OVP ng kabuuang P403.46 milyon na karagdagang pondo para sa iba’t ibang pangangailangan ng tanggapan.
Kasama rito ang P144.72 milyon para sa augmentation ng financial assistance o subsidy, P8.74 milyon para sa Special Duty Allowance ng Vice Presidential Security and Protection Group, P107.46 milyon para sa 192 karagdagang posisyon at P250 milyon para sa confidential funds.
Sa bahagi tungkol sa confidential funds, sinabi ng OVP na hinihingi ang P250 milyon para sa “safe implementation” ng mga proyekto at aktibidad sa ilalim ng Good Governance program at para sa official engagements at functional representation sa domestic at international events.
Walang binanggit na “surveillance” sa bahaging iyon ng August 22 letter. Wala rin itong tinukoy na partikular na information-gathering activity o paggamit ng information agents bilang dahilan ng P250-milyong request.
Ipinakita rin sa pagdinig ang Physical and Financial Plan ng OVP. Sa ilalim ng Good Governance Program, nakasaad ang “safe implementation of OVP projects and confidential activities.”
Sa hiwalay na November 30 document na tinalakay sa pagdinig, binanggit ang exploratory talks, information gathering at pakikipag-ugnayan sa information agents.
Sinabi ni Ortonio na hindi siya personal na kasali sa mga naturang pag-uusap at walang dokumentong ibinigay sa kanya na nagpapakitang may pinal na kasunduan.
Tinanong din ng prosekusyon si Ortonio tungkol sa Physical and Financial Plan at accomplishment reports.
Nag-manifest si defense counsel Atty. Kristine Ferrer na tinatanong si Ortonio tungkol sa mga dokumentong hindi niya personal na inihanda.
Tatlong senator-judges — sina JV Ejercito, Camille Villar at Bong Go — ang dumating matapos magsimula ang pagdinig. Hindi dumalo sina Alan Peter Cayetano at Loren Legarda.
