Chiz

Escudero: Impeachment trial tatapusin bago mag-year-end, iskedyul hihintayin ang budget calendar

144 Views

INAASAHANG matatapos bago magtapos ang taon ang impeachment trial, ngunit bubuuin lamang ang iskedyul nito matapos ilabas ang kalendaryo ng Senado para sa pagtalakay sa panukalang 2027 national budget.

Nilinaw ito ni presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero nitong Martes matapos magtanong si Sen.-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri tungkol sa iskedyul ng paglilitis.

Hindi pa kinukumpirma kung ililipat sa hapon ang impeachment proceedings habang naghahanda ang Senado sa pagtalakay sa National Expenditure Program o NEP, ang panukalang pambansang badyet na isinusumite ng Executive branch sa Kongreso.

Isang araw bago nito, sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol na wala pang pinal na desisyon kung ililipat sa hapon ang paglilitis.

“Hindi ko pa po mako-confirm yan kung mauurong na ba tayo ng hapon o hindi,” sabi ni Tongol.

Sinabi rin ni Tongol na pinag-iisipang tapusin muna ang Agosto sa kasalukuyang iskedyul bago ito baguhin upang mabigyan ng sapat na abiso ang mga testigo at magkabilang panig.

Samantala, kinumpirma ng impeachment court ang ulat ni Senate Medical and Dental Bureau Director Dr. Renato Sison Jr. tungkol sa kondisyon ng testigong si Edward Fajarda.

Ayon sa ulat, ang kondisyon ni Fajarda ay tugma sa kamakailan niyang stroke diagnosis. Nakitaan siya ng neurological deficits at inirekomendang magpahinga mula Agosto 20 hanggang Setyembre 2 upang maiwasan ang panibagong stroke.

Kailangan din niyang kumuha ng medical clearance mula sa kanyang neurologist bago humarap bilang testigo.

Sinabi ni Tongol noong Lunes na nasa prosekusyon ang desisyon kung itutuloy ang pagpresenta kay Fajarda at kung kailan siya ihaharap.

Sa pagdinig nitong Martes, ipinrisinta ng House Prosecution Panel bilang ikapitong testigo si Lemuel G. Ortonio, assistant secretary at assistant chief of staff ng Office of the Vice President.

Pumayag ang depensa sa stipulation sa ilang detalye tungkol kay Ortonio. Sa stipulation, kapwa tinatanggap ng magkabilang panig ang ilang fakta nang hindi na kailangang patunayan ang mga ito nang paisa-isa sa paglilitis.

Kabilang dito na assistant secretary ng OVP si Ortonio mula Hulyo 1, 2022 at coterminous ang kanyang appointment sa termino ni Vice President Sara Duterte, ibig sabihin ay nakatali ang haba ng kanyang panunungkulan sa termino ng Bise Presidente.

Dahil kinapos sa oras, itinakda sa Miyerkules, Agosto 26, ang cross-examination kay Ortonio ni defense counsel Atty. Kristine Ferrer.

Magpapatuloy ang impeachment trial alas-10 ng umaga sa Miyerkules.