Butuan

‘LegisHear’ palalawakin; Butuan, Dumaguete susunod

Mar Rodriguez Aug 1, 2026
39 Views

MAS palalawakin pa ng Kamara de Representantes ang “LegisHear” sa iba’t-ibang lalawigan gaya ng Butuan City at Dumaguete City at dito nakatakdang ganapin ang mga pampublikong konsultasyon upang maging mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan ang mga panukalang batas, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Ipagpapatuloy ng Kamara ang programa sa pakikipagtulungan sa mga miyembro nito upang maisagawa ang mga konsultasyon sa bawat rehiyon at mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na direktang makilahok sa pagbuo ng mga prayoridad na batas.

“Siyempre, katulad nga nito, ito ang umpisa ng ating programa. Katulad nga ng sinasabi ko, ang aming mga miyembro ng House ay kakausapin namin kung sino ang susunod na maghohost, para tuloy-tuloy ang mga ganitong programa at para talagang malaman namin ang mga panukalang batas na aming isusulong. Hindi kami titigil,” sabi ni Speaker Dy

Bahagi ang programa ng layunin ng Kamara na maisulong ang isang “Bagong Kongreso” na mas bukas, mas inklusibo at mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Samantala, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na layunin ng Kamara na madala ang LegisHear sa lahat ng 81 lalawigan sa bansa.

Ayon sa kanya, kasalukuyang inihahanda ang susunod na LegisHear sa Butuan City bago dalhin sa Dumaguete City bilang bahagi ng nationwide roll out ng programa.

“We want to go muna sa Luzon, Visayas, Mindanao. So, Mindanao, Butuan ‘yon ang una naming nakikita where we can go,” dagdag ni Sec. Gen. Garafil.

Ang konsultasyon sa Butuan ay pangungunahan ni Butuan Lone District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II.

Ang LegisHear ay pangunahing inisyatiba nina Speaker Dy at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na hango sa matagumpay na serye ng konsultasyong isinagawa ng Kamara kaugnay ng panukalang “Anti-Political Dynasty Act”.

“This is a program actually ni Speaker Bojie Dy at saka ni Majority Leader Sandro Marcos. As you can see mayroon tayong Bagong Kongreso na una nating narinig noong SONA,” ani Garafil.

Opisyal na inilunsad ang LegisHear nitong Biyernes sa Isabela kung saan pinagsama-sama ang mga mambabatas, mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, mga organisasyon ng civil society, at iba’t-ibang sektor upang talakayin ang mga prayoridad na panukalang batas.

Dumalo sa paglulunsad sina Isabela 5th District Rep. Faustino Michael Carlos T. Dy III, Isabela 4th District Rep. Joseph S. Tan, LPGMA Party-list Rep. Allan U. Ty, House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga kinatawan ng iba’t-ibang sektor.