Calendar
Leviste naglunsad ng makasaysayang kampanya para sa edukasyon, mahigit 150K school bags ipinamahagi
BILANG pagpapakita ng matibay na suporta sa edukasyon, ang Kinatawan ng Unang Distrito ng Batangas na si Leandro Legarda Leviste ay nag-donate ng mahigit 150,000 school bags — isa para sa bawat mag-aaral sa kanyang distrito — na kinikilala bilang isa sa pinakamalaking pribadong inisyatibo sa edukasyong isinagawa sa kasaysayan ng Pilipinas.
Si Leviste, miyembro ng Lakas–Christian Muslim Democrats (CMD) na pinamumunuan ni muling nahalal na Kinatawan ng 1st District ng Leyte Ferdinand Martin G. Romualdez, ay nagsimulang ipamahagi ang mga school bag sa mga pampublikong paaralang elementarya at sekondarya sa pagbubukas ng bagong taon ng pasukan sa ilalim ng kanyang Lingkod Legarda Leviste Foundation.
Ang bawat bag ay may lamang mga gamit sa eskwela na angkop sa antas ng baitang ng mag-aaral, upang matiyak na handa sila sa pagsisimula ng klase. Malugod itong tinanggap ng mga magulang, guro, at estudyante sa buong Unang Distrito ng Batangas na binubuo ng mga bayan ng Balayan, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Nasugbu, Taal, at Tuy.
Ang mga bag na ito ay personal na ipinagkaloob ni Leviste, walang ginastos mula sa pondo ng gobyerno.
Bukod sa pamimigay ng school bags, naglunsad din si Leviste noong nakaraang taon ng isang programa na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga estudyante, at nakatakdang palawakin ito sa mga darating na linggo.
Si Leviste, ang pinakabatang bilyonaryong negosyante sa bansa, ay piniling tumutok sa serbisyo publiko noong 2024 matapos niyang ibenta ang kontroladong bahagi ng Solar Philippines New Energy Corporation sa Meralco sa halagang ₱34 bilyon.
Bilang mambabatas, nakatuon siya ngayon sa mga programang pang-edukasyon upang wakasan ang siklo ng kahirapan.
Naghain na rin si Leviste ng panukalang batas na layuning magbigay ng ₱1,000 buwanang allowance sa bawat mag-aaral mula kindergarten hanggang kolehiyo, anuman ang antas ng pamumuhay.
Layunin nitong matulungan ang mga estudyante sa gastusin gaya ng pagkain, pamasahe, at iba pang pang-edukasyong pangangailangan.
Bilang tugon sa kakulangan ng pondo ng gobyerno, isinusulong din sa panukala ang paghahanap ng donasyon at iba pang alternatibong pondo upang maisakatuparan ang pambansang student allowance program.
Habang nagpapatuloy ang mga hakbang upang palakasin ang suporta ng gobyerno sa edukasyon, hangad ni Leviste na gamitin ang kita mula sa kanyang mga negosyo para sa kanyang mga makataong proyekto.
“Pakiramdam ko ay responsibilidad kong ibahagi ang aking tinatamasa sa iba, lalo na upang tugunan ang kakulangan sa pondo para sa edukasyon sa Pilipinas. Ang kakulangan sa badyet para sa pagkain, pamasahe, o school supplies ay hindi dapat maging hadlang sa pag-aaral ng isang bata,” pahayag ni Leviste.

