PBBM Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez

PBBM: Benteng Bigas mabibili na sa pampublikong palengke

389 Views

MALAPIT nang maging mas malawak ang pagbebenta ng bigas na nagkakahalaga ng P20 kada kilo, na naisakatuparan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Hindi na lamang ito mabibili sa mga itinalagang government outlets, kundi pati na rin sa karamihan ng mga pampublikong palengke.

Sa kanyang pinakabagong BBM Vlog na inilabas ng Linggo, sinabi ni Pangulong Marcos na magpapatuloy ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 at muling tiniyak na sustainable o kayang ipagpatuloy ang Benteng Bigas Meron Na program.

“Sa pagtutulungan ng maraming ahensya ng pambansang pamahalaan at ngayon katuwang ang mga lokal na pamahalaan, nandito na ang P20 rice at mananatili ito,” ani Pangulong Marcos sa BBM VLOG 271: Agrikultura.

“Ito ay posible, ito ay tuloy-tuloy. Kaya abangan ninyo sa inyong pinakamalapit na palengke,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang programang Benteng Bigas Meron Na ay naglalayong gawing abot-kaya at madaling maabot ang bigas para sa mga pamilyang Pilipinong kabilang sa mga bulnerableng sektor.

Ang P20 kada kilong bigas ay kasalukuyang ibinebenta para sa mga mahihirap na pamilya, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, mga taong may kapansanan o PWDs, mga solo parent, at mga manggagawang tumatanggap ng minimum wage.

Sa kasalukuyan, ang Benteng Bigas ay makikita sa 94 na lokasyon sa buong bansa, kabilang ang pinakabagong outlet na binuksan ni Pangulong Marcos sa Zapote-Bacoor Public Market sa Lungsod ng Bacoor, Cavite, noong nakaraang Martes.

“Hindi lamang po sa mga Kadiwa stores may P20 na bigas, kundi pati na rin sa ating mga palengke,” sabi ng Pangulo nitong Linggo.

“Dumarami na po ang ating mga lokasyon. At hindi lang po ito mga pop-up store na mawawala rin pagkatapos. Tuloy-tuloy na po ito,” diin ni Pangulong Marcos.