Libanan1 House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan

Libanan: Mga binabahang probinsiya hindi prayoridad sa flood control projects

405 Views

IKINALUNGKOT ng lider ng minority bloc sa Kamara na hindi nabigyan ng prayoridad sa P250 bilyong pondo para sa flood control projects para sa 2026 ang mga probinsiya na pangunahing binabaha, at mayroon umanong mga maling proyekto sa Eastern Samar na pinondohan.

Umapela si House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ilalim ng bagong pamunuan nito, na baguhin ang P250.8-bilyong flood control plan para sa 2026.

Aniya, bilyon-bilyong piso na ang nagugugol sa mga proyektong hindi naman nakapagbibigay ng proteksiyon sa mga lalawigang pinakabulnerable sa pagbaha.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations noong Biyernes, binanggit ni Libanan na 12 sa 20 pinakabahaing lalawigan sa bansa ay hindi sapat na natugunan sa flood control allocations ng DPWH sa panukalang 2026 budget.

“These provinces are identified by the government’s own geohazard mapping and assessment. How can we spend nearly one-third of DPWH’s P880-billion budget on flood control, yet leave out many of the areas that are most often underwater?” tanong ni Libanan.

Batay sa opisyal na mapping, kabilang sa 20 pinakabahaing probinsiya ang Maguindanao, Cagayan, Pangasinan, Isabela, Nueva Ecija, Palawan, Pampanga, Agusan del Sur, Zamboanga del Sur, Iloilo, North Cotabato, Leyte, Bulacan, Northern Samar, Tarlac, Capiz, Zambales, Davao del Norte, Camarines Sur at Western Samar.

Kinuwestiyon din ni Libanan ang pagkakalagay ng ilang proyekto ng DPWH sa kanyang lalawigan sa Eastern Samar, partikular ang P3-bilyong rock netting project sa San Rafael, Taft―kahit walang kasaysayan ng landslide ang lugar dahil sa matitigas na batong nakapaligid dito.

Ipinagtaka rin niya ang biglang paglitaw ngayong taon ng flood control projects sa mga bayan ng Hernani at Llorente sa Eastern Samar, na diumano’y pinondohan sa ilalim ng 2024 budget.

“What we’re seeing is that major project accomplishments are being reported when, in truth, work has only just begun. This sets the stage for so-called ‘ghost projects’―where high accomplishments are declared, payments are collected in full, yet little to no actual work is done,” ani Libanan.

Ikinagalit din niya na ang mga baybaying bayan na nakaharap sa Pacific Ocean, na paulit-ulit na tinatamaan ng mga super typhoon, ay hindi pa rin napaprayoridad para sa pagtatayo ng seawalls.

“Funds are still funnelled to riverbank controls instead of protecting vulnerable coastal communities. This imbalance must be corrected,” dagdag pa niya.

Aminado si bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon sa mga pangamba ni Libanan at nangakong magsasagawa ng science-based review ng flood control allocations.

Malugod namang tinanggap ni Libanan ang pangako, at sinabi: “We are hopeful that under Secretary Dizon’s stewardship, DPWH can put order and reason into project planning. Proper planning and accountability are the only ways we can win the fight against flooding while still funding the rehabilitation of major national roads such as the Maharlika Highway and the construction of new crossings such as the Sorsogon-Northern Samar Bridge.”