Discaya

Palasyo binanatan Discaya couple

282 Views

Dahil sa ‘maling info’ tungkol sa proyekto ng Philippine Film Center

BINATIKOS ng Malacañang nitong Sabado ang kampo ng mag-asawang kontratista na sina Cezarah “Sarah” at Pacifico “Curlee” Discaya dahil sa pahayag ng mga ito na ang ikalawang yugto ng konstruksiyon ng Philippine Film Heritage Building (PFHB) ay hindi daw hawak ng kanilang kumpanya.

Sa isang pahayag, pinayuhan ni Palace Press Officer Claire Castro ang mag-asawang Discaya na balikan ang lahat ng kontratang hawak ng isa sa siyam nilang kumpanya — ang Great Pacific

Builders and General Contractor, Inc. — kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Maaaring nakalimutan na nila ang kanilang mga obligasyon, lalo na’t napakarami ng proyekto nilang nakuha mula sa gobyerno. Ang pagbibigay ng maling impormasyon sa media ay maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko,” ani Castro.

Ibinigay ni Castro ang pahayag bilang tugon sa abogado ng mag-asawang Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego, na nagsabing ang kanilang kumpanya ay hanggang unang yugto lang ng proyekto ng PFHB at ibang kumpanya na raw ang humawak sa ikalawang yugto.

Ayon kay Samaniego, natapos umano ng Discaya-owned firm ang Phase 1 noong Disyembre 2024 at nakakuha pa ng certificate of completion.

Ngunit giit ni Castro, boluntaryong pumasok ang Great Pacific Builders sa kontrata para sa Phase 2 ng proyekto kasama ang kinatawan ng DPWH na si Manny Bulusan mula sa Office of the District Engineer.

Aniya, pumayag ang Discayas na isagawa ang proyekto base sa Contract ID No. 230H0119: Local Program/National Building Program/Buildings and other Structures–Multi-Purpose/Facilities – Construction of FDCP Film Heritage Building sa Intramuros, Manila, na may kabuuang kontratang halaga na P107,983,255.11.

Dagdag pa niya, ang kontrata ay may tagal na 240 araw at ang orihinal na petsa ng pagtatapos ay Setyembre 4, 2025.

“Ang kontratang ito ay notarized pa ni Atty. M. Laguerta ng Lungsod ng Maynila. Bukod pa rito, ang kontratang ito ay hindi pareho ng kontratang tinutukoy ng abogado ng Discayas na sinasabing natapos noong Disyembre 2024,” paliwanag ni Castro.

“Simple lang — paano matatapos ang proyekto noong December 2024 kung ang kontrata ay nagsimula lang noong January 2, 2025? Paano mangyayari ‘yun?” tanong ni Castro.

Noong Huwebes, nagbabala na rin si Castro na posibleng humarap sa legal na aksyon ang Discaya couple dahil sa mahinang disenyo at palpak na konstruksyon ng PFHB.

Samantala, sa isang Instagram post noong Biyernes, ipinahayag ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang kanyang pagkadismaya sa kalidad ng PFHB, na tinawag pa niyang isang “rotten monument of incompetence.”