Calendar
Kiko: Agrikultura apektado ng palpak ng proyekto sa baha
NAGBIGAY ng matinding babala si Senator Francis “Kiko” Pangilinan kamakailan laban sa mga abusado at pabayaang opisyal kaugnay ng patuloy na problema sa mga proyektong flood control sa bansa.
Sa isang panayam, inilahad ng chair ng Senate Committee on Agriculture ang kanyang pagkadismaya sa kabiguang maisakatuparan nang maayos ang mga flood control projects, binigyang-diin kung paano ito direktang nakaaapekto sa sektor ng agrikultura. Tinukoy niya ang trahedyang naganap kamakailan sa Mindoro: “Ang flood control may kinalaman rin sa agrikultura lalo na yung nangyari sa Mindoro. Noong umulan, nasira yung flood control na dike—150 hectares ng rice field ang nalibing sa graba at semento,” aniya.
Mariing kinondena ni Pangilinan ang mga responsable na naging sanhi ng pagkawala ng kabuhayan ng mga magsasaka. “Buhay pa ang mga ito e sinusunog na sa impyerno ang kanilang mga kaluluwa. Wala silang awa at wala silang mga konsensya,” giit ni Pangilinan, tinutukoy ang parehong mga kontratista at mga opisyal na sangkot sa mga palpak na proyekto.
Sa kabila ng mga kabiguang ito, nagpahayag si Pangilinan ng pag-asa na papanagutin hindi lamang ang mga kontratista kundi pati na rin ang mga opisyal ng pamahalaan. “Hindi maglalakas ng loob itong mga taga-public works at mga contractors kung wala silang kapit. Heads should roll, at dapat mauwi ito sa plunder cases filed before the Ombudsman,” dagdag pa niya.
Ipinahayag din ng senador ang kanyang buong suporta sa mga hakbang ng Department of Agriculture (DA), binanggit ang bagong batas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Law bilang kasangkapan upang mapanagot ang mga mapagsamantalang traders. “Yung pagbili ng palay sa napakababang presyo, tulad ng ₱5 kada kilo, kasama yan sa mga pwedeng kasuhan sa ilalim ng batas na ito,” dagdag ni Pangilinan.
“The law is clear, but it has to be enforced. Warning ito sa mga nagsasamantala—tigilan ninyo ang pag-abuso sa inyong kapangyarihan. Ginagamit ninyo ang inyong lakas at pondo para apihin ang mga farmers,” pahayag pa ni Pangilinan.

