Calendar
PBBM isinulong mas malusog na komunidad sa mga paaralan
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes ang paglulunsad ng Yaman ng Kalusugan Program para Malayo sa Sakit (YAKAP) caravan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Calape, Bohol, bilang pagpapakita ng suporta ng pamahalaan sa kalusugan at kapakanan ng mga komunidad sa paaralan.
Matapos ang inagurasyon ng Calunasan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP), bumisita ang Pangulo sa Mandaug Elementary School kung saan namahagi siya ng 118 school bag para sa mga mag-aaral sa Grade 1 at 2, at dalawang smart board television.
Layunin ng YAKAP program na palakasin ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mas pinadaling proseso sa mga lokal na komunidad.
Tinatayang 200 magulang at mag-aaral ang nakinabang sa libreng konsultasyong medikal, gamot, at mga serbisyo ng PhilHealth tulad ng pagpaparehistro, pag-iimprenta ng ID, at pag-update ng impormasyon ng miyembro.
Ang medical caravan ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Calape Rural Health Unit at Calape Mother and Child Hospital.
Kasama ng Pangulo sa aktibidad sina Education Secretary Sonny Angara at PhilHealth Acting President at CEO Edwin Mercado.

