Pangilinan1

Apl.de.Ap, Kiko magtutulong na magtanim ng 100M puno ng niyog

400 Views

TINANGGAP ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform at dating pinuno ng Philippine Coconut Authority Board, ang world-renowned singer at Black Eyed Peas member na si Apl.de.Ap sa kanyang tanggapan sa Senado sa Pasay City kamakailan.

Tinalakay ng mang-aawit ang proyektong “100 Million Coconut Trees for the Climate” ng Apl.de.Ap Foundation International (ALPFI), isang organisasyong itinatag niya na nakatuon sa mga inisyatibo sa edukasyon, sining, at sustainable development sa Pilipinas. Kasama niya sa pagbisita sina Dan Vo at Derek Ruth ng Omtse Ventures, si Sonia Delen, Board Director ng ALPFI, at si Peter Olivar mula rin sa ALPFI.

Batay sa ulat, layon ng inisyatiba—na isinasagawa sa pakikipagtulungan sa Philippine Coconut Authority, Omtse Ventures, at ALPFI—na magtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa buong bansa upang mapataas ang produksyon at mapalago ang kita ng milyun-milyong Pilipinong magsasaka.

Kaugnay nito, kinilala ni Pangilinan ang pagsusumikap ni Apl.de.Ap at ng kanyang foundation. Si Pangilinan ang naghain ng Senate Resolution No. 23 noong Hulyo 25, 2025, na nananawagang imbestigahan ng Senado, sa pamamagitan ng Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang pagpapatupad ng Republic Act 11524 o ang “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.”

Sa isang panayam, inilahad ni Apl.de.Ap ang kanyang suporta sa adbokasiya ng senador. “I am here at the Senate to support our farmers. Farmers are rockstars!” aniya, habang binibigyang-pugay ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa ekonomiya.

Bilang pangunahing may-akda ng Republic Act 11524, na lumilikha ng trust fund mula sa coco levy fund, kinatigan ni Pangilinan ang layunin ng ALPFI. Ipinunto ng senador na bukas ang kanyang opisina para sa mga inisyatibang tumutulong sa mga magsasaka.

“I’d like you to succeed, so my office is your office,” iginiit ni Pangilinan.