Mendoza

LTFRB ipinahayag ang pagtatapos ng LBSP

Jun I Legaspi May 19, 2026
25 Views

IPINAHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtatapos ng implementasyon ng Land-Based Service Contracting Program (LBSP) noong Mayo 22.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, benepisyo ng LBSP ang 20% diskwento sa pamasahe para sa lahat ng regular na pasahero at 40% para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disability.

Layunin nitong magbigay ng mabilis at abot-kayang mass transport system alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ipinatutupad na sa buong bansa ang P10 kada litro fuel discount subsidy matapos ang matagumpay na dry-run sa Metro Manila.

Nasa 141,724 units ng passenger jeepneys at UV Express ang nakalista na sa programa at maaari nang mag-avail ng diskwento sa diesel.

Ang mga gasolinahan na kalahok (4,299) ay konektado sa database ng pamahalaan sa pamamagitan ng mobile app na naglalaman ng listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sakop lamang ang mga PUV na may valid franchise, na may 150-litro ceiling kada linggo bawat unit.

Kapag nakumpirma ang license plate na nakalista sa programa, awtomatikong ibabawas ang diskwento sa presyo ng diesel.

Inatasan ni Chairman Vigor ang lahat ng LTFRB Regional Directors na magsagawa ng information drive upang ipaalam sa mga driver ang mga gasolinahang kalahok.

Inabisuhan na ang lahat ng tauhan ng LTFRB hinggil sa pagtatapos ng programa.

Sakop ng kautusan ang pagtigil ng QR code at manual scanning, pagbibigay ng 20% diskwento at pagtanggal ng mga tarpaulin, signage, at iba pang materyales na kaugnay ng LBSP.