LTO

LTO nanawagan na huwag munang bumiyahe sa Bicol, Vismin

Jun I Legaspi Sep 24, 2025
298 Views

BILANG tugon sa agarang kahilingan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), agad na naglabas ng travel advisory ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, at nanawagan sa mga motorista na ipagpaliban muna ang lahat ng hindi mahalagang biyahe patungong Bicol Region, Visayas, at Mindanao.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mabilis na aksyon ng LTO ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa whole-of-government approach na naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng publiko lalo na sa harap ng banta ng kalamidad.

Dagdag pa ni Asec. Mendoza, inilabas ang travel advisory batay din sa forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang Bicol Region ay kabilang sa tatahakin ng bagyong ‘Opong.’

Batay sa kahilingan ng NDRRMC, saklaw ng travel advisory ang mga biyahe patungong Masbate at Catanduanes, gayundin sa buong Visayas at Mindanao.

Agarang ipinatupad ang travel advisory simula alas-12:00 ng hatinggabi ng Setyembre 24.

“Layunin nito na maiwasan ang pagsisikip sa mga pangunahing kalsada at lansangan na kinakailangan para sa agarang paghahatid ng tulong sa mga lugar na malalagay sa panganib ng bagyo, at upang masiguro rin ang kaligtasan at kapakanan ng mga motorista,” ayon sa kahilingan ng NDRRMC.

“Layon din nito ang seguridad ng ating mga kababayan. Mahirap na malagay pa sila sa alanganin,” pahayag naman ni Asec. Mendoza.

Aniya, inatasan na ang mga tanggapan ng LTO sa mga lugar na sakop ng travel advisory na mahigpit na bantayan ang sitwasyon at magbigay ng kinakailangang update.

Hinimok din ni Asec. Mendoza ang mga motorista at pasahero na unahin ang kaligtasan at manatiling nakasubaybay sa mga opisyal na ulat ng panahon at mga abiso ng pamahalaan.

“Mananatili ang travel advisory hangga’t hindi pa inaalis ang Tropical Cyclone Wind Signal, ayon sa forecast ng PAGASA,” nakasaad pa sa abiso.