Castro Palace Press Officer Claire Castro PNA photo ni Darryl John Esguerra

Palasyo: Akusasyon ni VP Sara na OFWs pinapabayaan fake news

334 Views

TINULIGSA ng Malacañang nitong Miyerkules si Pangalawang Pangulong Sara Duterte, at tinawag na “fake news” ang kanyang akusasyon na pinapabayaan ng pamahalaan ang mga overseas Filipino worker (OFW) kaugnay ng umano’y “scam welfare check” sa nakakulong na dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang basehan ang mga pahayag ng Bise Presidente at taliwas ito sa rekord ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pagtugon sa mga kahilingan ng tulong mula sa mga Pilipinong nasa abroad na nasa alanganin.

“Iyan po ay malaking kasinungalingan… Ito pong binabanggit ng Bise Presidente na walang naitutulong sa mga OFWs, it is another fake news,” sinabi ni Castro sa mga Palace reporters sa press briefing.

Ipinaliwanag ni Castro na may mga fully functional Migrant Workers Offices ang pamahalaan, na pinamumunuan ng mga labor attaché sa mga bansang may malaking populasyon ng Pilipino, upang matiyak na natutugunan ang pangangailangan ng mga OFW.

Binigyang-diin ni Castro na mayroong quick response teams ang DMW na agad nakikipag-ugnayan sa mga pulis at lokal na awtoridad sa ibang bansa para sa rescue at emergency cases.

Muling iginiit ng Malacañang na nananatiling prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang proteksyon ng OFWs sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Tumanggi si Castro na magbigay ng komento sa hiwalay na alegasyon ni Duterte na ang mga tauhan ng embahada sa The Hague ay ipinadala para magsagawa ng “scam welfare check” sa 80-anyos na dating Pangulo, na kasalukuyang nahaharap sa mga proseso sa International Criminal Court kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.

Aniya, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang tamang ahensya na dapat tumugon sa usaping ito. Philippine News Agency