Lugar ng pagpapasuso sa bawat bgy itinutulak

208 Views

MATAPOS igiit na mahalaga ang gatas ng ina sa mga sanggol gayundin ang lugar ng pagpapasuso sa mga musmos, hinimok ni Senadora Camille Villar ang pagsasabatas ng panukalang magtatayo ng mga breastfeeding center sa bawat barangay, bilang hakbang upang mapabuti ang kalusugan ng mga sanggol at ina—lalo na sa mga pamayanang kulang sa serbisyong pangkalusugan.

Sa ilalim ng “Barangay Breastfeeding Centers Act”, layunin ng panukala na magtaguyod ng mga lokal na sentro na magbibigay ng libreng suporta sa pagpapasuso, access sa mga kailangang materyales, at patuloy na kampanya sa edukasyon. Itinatakda rin nito ang regular na pagsasanay sa mga barangay health worker upang matiyak ang tamang kaalaman at maayos na pag-aalaga sa mga ina.

“Breast milk is the ideal food for babies—it provides complete nutrition, strengthens immunity, and even supports mothers’ mental health by reducing risks of postpartum depression,” ipinunto ni Villar.

Bilang vice chair ng Senate Committee on Health and Demography at miyembro ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, binigyang-diin ni Villar na dapat panatilihing pangunahing adyenda ang maternal at child health. Ipinaliwanag niya na sa kabila ng mga programang pangkalusugan, marami pa ring pamilya ang nahaharap sa mga balakid sa pagpapasuso—tulad ng kakulangan sa kaalaman, suporta, at pasilidad.

“By bringing dedicated breastfeeding centers to every barangay, we can improve child survival, ease the financial burden on parents, and build healthier communities,” dagdag pa niya.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO), 34% lamang ng mga Pilipinong sanggol na wala pang anim na buwang gulang ang eksklusibong pinapasuso—malayo sa pandaigdigang layunin na 50%. Ipinahayag ni Villar na layunin ng kanyang panukala na tugunan ang kakulangang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang suporta sa mga komunidad.

Papalakasin din ng panukala ang implementasyon ng Rooming-in and Breastfeeding Act of 1992 at ng Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009, sa pamamagitan ng mas lokal at sustenableng mga hakbangin.

“As we mark National Breastfeeding Awareness Month this August, let us remember that supporting breastfeeding mothers is not just a personal choice but a shared community responsibility,” pahayag pa ng senadora.