Luistro

Luistro pinuri mga miyembro ng justice committee dahil sa tamang pagsusuri

41 Views

PINURI ni House Committee on Justice chair na si Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas nitong nakaraang weekend ang mga miyembro ng kanyang panel dahil sa aniya’y “tamang pagsusuri” sa mga ebidensya at argumento na sumusuporta sa kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

“Napakahusay po ng mga taga-Justice committee. Talagang tama at eksakto ang kanilang pag-unawa sa kaso, kabilang na ang mga ebidensyang sumusuporta sa iba’t ibang Artikulo ng Impeachment,” ani Luistro sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Ginawa ni Luistro ang pahayag bago ang inaasahang deliberasyon ng plenaryo ng Kamara hinggil sa committee report at mga Artikulo ng Impeachment laban kay Duterte, na nagkakaisang inaprubahan ng justice panel matapos ang ilang linggong pagdinig.

Nilalaman ng ulat ang mga natuklasan hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker na si Ferdinand Martin Romualdez.

Nauna nang bumoto nang nagkakaisa ang Justice committee upang kilalanin ang probable cause, at kalaunan ay muli ring nagkaisang aprubahan ang committee report at resolusyon na naglalatag ng mga Artikulo ng Impeachment para sa deliberasyon sa plenaryo.

Binigyang-diin ni Luistro na anuman ang maging resulta ng nalalapit na botohan sa plenaryo, itinuturing niyang matagumpay ang naging trabaho ng justice panel.

“Anuman ang mangyari sa botohan sa plenaryo, masasabi kong lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng miyembro ng justice committee para sa mahusay nilang trabaho,” aniya.

Ipinaliwanag din ni Luistro na bilang tagapangulo ng panel, hindi siya bumoto sa mga usaping tinalakay sa panahon ng proceedings at sa halip ay masusing inobserbahan kung paano sinuri ng mga miyembro ang mga ebidensya at argumentong iniharap sa kanila.

“Pinupuri ko sila sa paraan ng kanilang pagsusuri sa lahat ng mga resolusyong tinalakay namin sa Justice committee,” dagdag niya.

Ayon kay Luistro, ilang beses bumoto ang panel sa kabuuan ng proceedings, kabilang ang usapin ng porma at nilalaman ng mga reklamo, mga batayan para sa impeachment, at pagtukoy sa probable cause.

“Maraming beses silang bumoto. Una ay sa porma, ikalawa ay sa nilalaman, ikatlo ay sa mga batayan, at ikaapat ay sa probable cause,” ani niya.

“At talagang pinupuri ko kung paano nila sinuri kapwa ang mga argumento at ebidensya na nagsilbing gabay nila sa pagboto sa apat na mahahalagang tanong na ito sa harap ng justice committee,” dagdag ni Luistro.