Calendar
Kamara magsasagawa ng makasaysayang botohan ngayong Lunes
NAKATAKDANG magsagawa ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng makasaysayang botohan sa Lunes upang pagtibayin ang ulat ng House Committee on Justice na nagsasabing may “probable cause” o sapat na batayan sa reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, matapos ang ilang linggong pagdinig at presentasyon ng mga dokumentaryong ebidensya.
Ito ay magbibigay-daan sa pagsusumite ng apat na Artikulo ng Impeachment sa impeachment court ng Senado.
Tatalakayin sa plenaryo ang ulat at resolusyong inaprubahan ng House Committee on Justice matapos ang mga pagdinig hinggil sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas, tagapangulo ng justice panel, na handa ang komite na ipagtanggol sa plenaryo ang mga natuklasan, ebidensya, at proseso na humantong sa nagkakaisang pag-apruba ng impeachment report.
“Inaasahan namin na ngayong darating na Lunes, mabibigyan kami ng pagkakataong ipagtanggol ang ulat ng komite, ang mga natuklasan ukol sa probable cause, at ang mga Artikulo ng Impeachment,” ani Luistro.
Nauna nang bumoto nang nagkakaisa ang Committee on Justice, 53-0, upang kilalanin ang probable cause para i-impeach si Duterte, at kalaunan ay muling inaprubahan nang may botong 55-0 ang ulat at resolusyon ng komite na naglalatag ng mga Artikulo ng Impeachment para sa deliberasyon ng plenaryo.
Ayon kay Luistro, maaaring asahan ng mga mambabatas ang matitinding debate hinggil sa mga natuklasan ng panel at sa naging proseso ng pagdinig, ngunit iginiit niyang handa ang justice committee na sagutin ang mga tanong ng mga miyembro ng Kamara.
Sinabi rin niyang siya mismo ang maghahain ng sponsorship speech na magbubuod sa mga pagdinig, pinagsamang Artikulo ng Impeachment, at mga ebidensyang iniharap sa panel.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan lamang ang suporta ng hindi bababa sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara — o 106 boto mula sa 318 miyembro — upang maaprubahan ang mga Artikulo ng Impeachment at agad na maipadala ang mga ito sa Senado para sa paglilitis.
Ayon kay Luistro, isasagawa ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting kung saan tatawagin isa-isa ang bawat miyembro ng Kamara upang hayagang bumoto ng oo o hindi.
Ipinahayag din niya ang pag-asang makikita sa plenaryo ang parehong pagkakaisa na ipinakita ng justice panel sa panahon ng impeachment proceedings.
Sinabi ni Luistro na iikot ang mga talakayan sa plenaryo sa apat na pinagsamang Artikulo ng Impeachment na pinagtibay ng Justice panel matapos pagsamahin ang magkakatulad na alegasyon mula sa mga reklamong impeachment nina Saballa at Cabrera.
Ang unang artikulo ay tumutukoy sa umano’y maling paggamit at iregular na pagpapalabas ng confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education noong si Duterte pa ang kalihim ng edukasyon.
Sa mga pagdinig, sinuri ng justice panel ang umano’y kuwestiyonableng paggamit ng P612.5 milyong confidential funds — P500 milyon mula sa Office of the Vice President at P112.5 milyon mula sa Department of Education.
Tinalakay rin ng mga mambabatas ang alegasyong ang P125 milyong confidential funds na inilabas sa Office of the Vice President noong huling bahagi ng 2022 ay nagastos sa loob lamang ng wala pang 24 oras, batay sa testimonya ng self-confessed na “bagman” ni Duterte na si Ramil Madriaga.
Ang ikalawang artikulo ay nakatuon sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga pagkakaiba sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte at mga bank transaction na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa panahon ng pagdinig, nirepaso ng Justice panel ang mga natuklasan ng AMLC na nagpapakita ng 663 covered at suspicious transactions na umaabot umano sa humigit-kumulang P6.77 bilyon na konektado kay Duterte at sa kanyang asawa na si abogado Manases “Mans” Carpio.
Ayon sa ulat, kabilang dito ang humigit-kumulang P3.77 bilyong transaksyon na konektado kay Duterte at halos P2.99 bilyon na konektado kay Carpio.
Sinuri rin sa mga pagdinig ang mga SALN ni Duterte, na nagpapakitang tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang P88.51 milyon noong 2024.
Noong nakaraang Lunes, sinabi ni Atty. Peter Paul Danao, na nagsalita para sa kampo ni Carpio, na nilinaw ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na ang naiulat na “P2 bilyon” ay sa katunayan “P2 milyon” lamang, na umano’y dulot ng “system glitch.”
Ang ikatlong artikulo ay may kinalaman sa alegasyon ng panunuhol na konektado sa mga cash envelope na umano’y ipinamigay sa mga opisyal ng DepEd noong panahon ni Duterte bilang kalihim ng edukasyon.
Nakatanggap ang mga mambabatas ng testimonya at mga rekord hinggil sa umano’y P50,000 cash envelopes na may label na “HOPE,” na umano’y ipinamahagi sa mga opisyal na may kaugnayan sa procurement functions ng departamento.
Ang ikaapat na artikulo ay nakasentro sa kontrobersyal na pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 kung saan hayagan niyang sinabi na nag-ayos siya ng papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker na si Ferdinand Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.
Sinuri ng Justice panel ang mga ebidensya at testimonya kaugnay ng pagpapatunay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa video at ng kasunod na imbestigasyong kriminal na nagmula sa mga pahayag ni Duterte.

