Calendar
Mid year bonus namin masasamsam ng lending companies
MULING nanawagan ang Teachers Dignity Coalition (TDC) na tulungan ang mga guro na sinamsam ang mga automated teller machine (ATM) card dahil sa laki ng utang sa mga online lending companies.
Ayon sa mga guro, mahalagang mahawakan nila ang mga ATMs dahil nakatakdang ibigay ang mid year bonus nila at kung hindi mapapabalik sa kanila tiyak na sa mga online lending firms babagsak ang pera.
Sa letter sa ilang Schools Division Superintendents (SDSs) ni Benjo Basas, chairperson ng TDC, humiling ang grupo ng alternative modes sa pag-release ng mga bonus at incentives.
Nagpadala rin ng sulat ang grupo sa mga Schools Division Offices (SDOs).
Sinabi ng grupo na maraming teachers na ang sumulat sa mga SDOs, regional offices at central office na humihiling ng ibang paraan ng pagbibigay ng bonus pero walang sagot ang mga pinadalhan ng sulat.
“Hindi naman po umiiwas ang mga guro sa kanilang obligasyon, pero sana ay huwag namang sagarin pati ang kanilang benepisyo at bonus dahil para rin iyon sa kanilang pamilya.
Sa gitna ng dumaraming pangangailangan at ng krisis, ang mid-year bonus ang nakikita nilang tanging pag-asa upang maitawid ang araw-araw na gastusin,” sabi ni Basas.
Nauna na inireklamo ng mga teachers na lahat ng pera nila galing sa Landbank napupunta sa mga lending companies at wala silang nahahawakan para pang-gastos sa daily needs.
Nanawagan din ang grupo na magpatupad ang pamahalaan ng P15,000 across-the-board salary increase para maibsan ang paghihirap na ugat ng pagsamsam ng sweldo nila.
