Calendar
Madrona muling tututukan sa 20th Congress pagpapabuti ng PH tourism
SA pagsisimula ng 20th Congress, muling tututukan ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang pagsusulong ng mga panukala para mapabuti ang kalagayan ng turismo ng ating bansa.
Ang pagbabalik session sa Kamara de Representantes ay nangangahulugan din ng muling pagtutok ni Madrona sa pagsusulong ng mga panukala na naglalayong mas lalo pang mapabuti ang kalagayan ng Philippine tourism.
Dahil dito, inihain ng kongresista ang House Bill No. 01663 na naglalayong ideklara ang “The Battle of Sibuyan Sea” memorial shrine bilang tourist destination na matatagpuan sa Munisipalidad ng Cajidiocan sa lalawigan ng Romblon.
Ipinaliwanag ni Madrona na ang “The Battle of Sibuyan Sea” ay dapat na magsilbing paalala para sa lahat ng Pilipino na ibinuwis ng maraming Romblomanon kanilang buhay para lamang ipaglaban ang kasarinlan ng ating bansa.
Binigyang diin ng mambabatas na ang “The Battle of Sibuyan Sea” ang magsisilbing halimbawa na dapat ipaglaban ang ating bansa laban sa panghihimasok ng dayuhan tulad ng kasalukuyang nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Madrona, ang pagiging tourist destination ng nasabing lugar ang laging magpapaaalala sa mga turistang nagtutungo dito na may mga Pilipinong hindi natakot ibuwis ang kanilang buhay para ipagtanggol sa kasarinlan ng Pilipinas.
Ikinalulungkot din ni Madrona na may mga Pilipino ang tila nabubulagan sa sapagkat sa halip na ipagtanggol nila ang Pilipinas laban sa panghihimasok ng China sa WPS ay mistulang kumakampi pa sila sa mga Intsik sa kabila ng ginagawa nilang panggigipit sa mga mangingisda at tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

