CNB

PhilHealth nakinabang sa kita ng PAGCOR, may P12.7B pondo

257 Views

UMANGAT sa P59 bilyon ang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa unang kalahati ng taon, kasunod ng record-high na P214.8 bilyon na gross gaming revenues (GGR) ng industriya — mas mataas ng 14% kumpara sa P51.8 bilyon noong nakaraang taon.

Dahil dito, tumaas din ang kontribusyon ng ahensya sa nation-building programs sa P38.1 bilyon, o 20% higit kaysa sa P31.8 bilyon noong 2024, ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco.

“Of our total CNB (contribution to nation-building), P25.36 billion was remitted to the National Treasury as the mandated government share,” ani G. Tengco.

Mula sa nasabing halaga, P30 milyon ang inilaan sa Dangerous Drugs Board, habang kalahati ng natitirang balanse na P25.33 bilyon, tinatayang nasa P12.7 bilyon, ay napunta sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Paliwanag ni G. Tengco, alinsunod ito sa Universal Health Care (UHC) Law o Republic Act No. 11223, kung saan kalahati ng remittances ng PAGCOR sa Treasury ay itinatakda para sa PhilHealth upang tiyaking may patas na access sa health services ang mga Pilipino.

“If the current pace continues, our UHC contribution could reach Php25 billion by yearend, enough to provide P10,000 worth of healthcare assistance to over 2.5 million Filipinos,” ayon sa PAGCOR Chairman. “This is the kind of impact we strive for: turning revenues from regulated gaming into direct public benefit.”

Malaking bahagi ng kita ng PAGCOR ay mula sa gaming operations at license fees, na umabot sa P53.4 bilyon, habang ang karagdagang P5.7 bilyon ay mula sa iba pang serbisyo at non-gaming sources.

Tumaas din ng 17.7% ang kita mula sa gaming activities dahil sa magandang takbo ng operasyon ng licensed e-gaming platforms at land-based casinos.

Nagbayad naman ang ahensya ng P2.7 bilyon sa Bureau of Internal Revenue para sa franchise tax, habang P7.9 bilyon ang inilaan sa mga socio-civic programs tulad ng President’s Social Fund.

Nasa P1.3 bilyon ang napunta sa Philippine Sports Commission, habang P269.2 milyon ang ibinayad bilang corporate income tax. Ang mga local government units na may Casino Filipino branches ay nakatanggap ng P341 milyon.

Ilan pa sa mga benepisyaryo ang Board of Claims, na tumanggap ng P109.2 milyon, at ang Renewable Energy Trust Fund, na nabigyan ng P157.35 milyon.

Sa kabuuan, umabot sa P10.8 bilyon ang net income ng PAGCOR sa unang anim na buwan ng taon, mas mataas ng 64.3% kumpara sa P6.6 bilyon sa kaparehong period noong nakaraang taon.

“Our first-half performance reaffirms PAGCOR’s role as a vital government partner,” ani G. Tengco. “We remain focused on continuously strengthening our regulatory framework to ensure that revenues from regulated gaming will continue to benefit the public good.”