Madrona

Madrona: Nasunog na National Post Office Bldg. dapat muling ibangon ng gobyerno

Mar Rodriguez May 22, 2023
180 Views

DAPAT muling maibangon ng gobyerno ang makasaysayang National Post Office Building at hindi natin dapat hayaan na manatili na lamang itong isang alaala at pabayaang maging abo na lang.”

Ito ang naging pahayag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na kailangang kumilos ang pamahalaan o national government upang muling maibangon ang makasaysayang Post Office matapos itong gupuin ng malaking sunog.

Binigyang diin ni Madrona na hindi dapat pabayaan ng gobyerno na manatiling isang alaala na lamang o maging abo ang nasabing gusali sapagkat kakabit nito ang mahahalagang kasaysayan ng Pilipinas.

Sinabi ni Madrona na ang National Post Office Building ay isa sa mga itinuturing na “historical sites” sa Siyudad ng Manynila na dinadayo ng mga turista dahil ito ay isang “piping saksi” sa kasaysayan ng ikawalang digmaang pandaigdig kung saan nakatayo na ang naturang gusali noong sumiklab ang giyera.

Aminado si Madrona na sa kasalukyang panahon ay bibihira na lamang ang gumagamit ng sulat o koreo dahil sa pagsulpot ng Email, Messenger at iba pang Apps sa cellphone. Gayunman, iginiit ng kongresista na hindi parin kayang tawaran ng modernong panahon ang mahalagang papel na ginampanan aniya ng National Post Office sa kasaysayan ng Pilipinas.

Iminumungkahi ng mambabatas na maaaring pagkuhanan ng pondo para sa konstruksiyon ng National Post Office ay ang “Contingent Fund” na nagkakahalaga ng P13 bilyon na isang national emergency fund na nasa ilalim ng control ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.