Madrona

Madrona umalma sa mga pahayag ni Curlee Discaya sa Senate investigation

Mar Rodriguez Sep 8, 2025
459 Views

KASINUNGALINGAN iyan at paninirang puri sa aking pagkatao!

Ito ang mariing sinabi ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona bilang pagsalungat sa mga naging testimonya ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Rodante Marcoleta patungkol sa maanomalyang flood control projects.

Umalma si Madrona sa naging testimonya ni Discaya sa nasabing Senate Investigation matapos nitong idawit ang kaniyang pangalan at iba pang kongresista na di-umano’y tumanggap ng “kickback” para makopo ng kanilang kompanya (Discaya) ang kontrata para sa flood control projects sa distrito ng mga mambabatas.

Dahil dito, binigyang diin ni Madrona na imposible umano ang mga pinagsasabi ni Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee sapagkat ang lahat ng mga proyekto para sa kaniyang distrito sa lalawigan ng Romblon ay dumaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng pagdaraos ng bidding.

Ayon sa mambabatas, walang kapasidad ang mga kongresista na ipatigil o ipa-terminate ang kontrata na na-award na sa kompanya ng mag-asawang Discaya sapagkat malinaw na ito ay magiging labag sa alituntunin ng batas.

Ipinahayag pa ni Madrona na sa loob ng mahabang panahon ng kaniyang paglilingkod sa Kamara de Representantes bilang beteranong mambabatas. Kahit minsan aniya ay hindi pa nasangkot ang kaniyang pangalan sa ano mang klase ng iregularidad katulad ng ipinupukol laban sa kaniya ni Discaya.

“Ang lahat ng sinabi ni Curlee Discaya ay walang katotohanan. Isa itong malaking kasinungalingan. Kahit minsan ay hindi pa nadawit ang aking pangalan sa ano mang katiwalian at hindi ko hahayaan na madungisan ang aking pangalan nang dahil sa mga paninirang puri na ito,” pahayag ni Madrona.

Hinahamon din ni Madrona na magsabi ng katotohanan si Curlee Discaya sa imbestigasyon ng Senado sa halip na idawit ang pangalan ng mga kongresista na wala namang kinalaman sa di-umano’y pagtanggap ng “kickback” sa mga kontratang pinasok ng mga Discaya.

May hinala din ang Romblon congressman na may bahid ng politika ang naging pahayag ni Discaya sa Senado na ang pangunahing layunin ay puntiryahin ang mga kongresista at sirain ang reputasyon ng Kamara de Representantes.

“Naghahanap lang sila ng paraan para mawala ang galit sa kanila ng publiko kaya idinadawit nila ang mga congressman para sila pa ang lumabas na biktima. Galit sa kanila ang taongbayan dahil sa kanilang magarbong lifestyle. Kaya para malihis ang galit ng publiko. Kaming mga congressman ang isinasakripisyo nila,” sabi pa ni Madrona.