OFW

Mag-ingat sa illegal recruiters–OFW Partylist

Mar Rodriguez Nov 4, 2025
471 Views

MULING nagbigay ng babala ang OFW Party List Group sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho na mag-ingat sa naglipanang illegal recruitment agencies na nag-aalok ng trabaho sa Egypt.

Ayon kay dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino, kinakailangan muna nilang pag-aralan at suriing mabuti ang profile ng kompanyang inaalplayan nila ng trabaho papunta sa ibang bansa.

Binigyang diin ng kongresista na sa halip na kagatin o patulan agad ng mga aplikante ang inaalok na malaking sahod ng isang recruitment agency, mas makabubuting magkaroon muna ng background check at verification sa nasabing ahensiya sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW).

Hinihikayat ni Magsino ang mga aplikanteng Pinoy na para makatiyak na “safe” ang inaaplayan nilang ahensiya.

Mas makabubuting dumaan na lamang sila sa mga accredited recruitment agency habang pinayuhan din nito ang mga aplikante na agad na i-report sa DMW o sa awtoridad ang mga illegal recruitment agencies.

Kasabay nito, ibinahagi ni Magsino na ang inilunsad nitong Nego Food Kart ay maaaring pakinabangan ng mga retiradong seafarers kasama ang kanilang pamilya, mga dating OFWs at ibang pang Migrant workers na nag-desisyong magpundar na lamang ng negosyo sa bansa.

Sinabi ni Magsino na ang ipinamamahaging 46 Nego Food Kart ng OFW Party List Group ay naglalaman ng mga San Mig products sa tulong naman ng San Miguel Corporation (SMC) para matulungan ang mga dating seafarers at OFWs na makapag-simula ng kanilang negosyo.