Calendar
Pinaigting na kampanya ng DMW vs illegal recruitment pinapurihan ng OFW Party List
PINAPURIHAN ng OFW Party List Group ang pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya ng Department of Migrant Workers (DMW) laban sa illegal recruitment kasabay ng naging babala nito para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) pati na rin sa mga aplikanteng Pinoy na nangangarap magtrabaho sa abroad.
Dahil dito, optimistiko si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino na hindi dito natatapos ang maigting na kampanya ng DMW kasama na ang mga law enforcement agencies laban sa illegal recruitment kung saan, umaasa ang mambabatas na mas marami pang illegal recruiter ang mahuhulog sa kamay ng batas.
Sinabi ni Magsino na hindi na rin masama ang pagkaka-aresto sa tinatayang 20 illegal recruiter bunsod narin ng masigasig na kampanya ng DMW na nag-uugnay naman sa Myanmar, Cambodia at iba pang mga bansa sa Southeast Asia.
Ipinaliwanag ni Magsino na ang naturang kampanya ng DMW ay nagpapakita lamang kung gaano kaseryoso ang pamahalaan para tuluyan ng puksain ang mga naglipanang illegal recruitment agencies na walang habas na nambibiktima ng mga OFWs at iba pang Pilipinong aplikante na naghahangad lamang na makapag-trabaho sa ibang bansa.
Pagbibigay diin ng dating kongresista na isang patunay na talagang sinsero ang administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na puksain ang illegal recruitment sa bansa ay ang hatol ng habambuhay na pagkakabilanggo laban sa tatlong indibiduwal na napatunayang sangkot sa illegal recruitment.
Muli naman nagbigay ng babala si Magsino para sa mga Pilipino na mag-ingat sa mga taong lumalapit sa kanila at nag-aalok ng trabaho sa ibayong dagat o kaya’y sa mga ahensiyang inaaplayan nila para hindi sila mabiktima ng mga illegal recruiter kung saan, ang ginagamit nilang taktika ay ang alok na malaking suweldo.
Ayon kay Magsino, ang isa sa mga nasabing taktika ay ang pang-aakit ng mga illegal recruiter sa mga aplikante na ang pagta-trabahuhan nilang bansa ay “visa-free ASEAN countries” tulad ng Thailand at Malaysia.
Iginigiit ng lady solon na ang tinatawag na “visa-free” ay para lamang sa mga turista na hindi maaaring magtrabaho sa isang partikular na bansa.

