Kart

OFW Party list naglunsad ng Nego Cart

Mar Rodriguez Nov 3, 2025
435 Views

UPANG matulungan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagbalik sa Pilipinas matapos mapaso ang kontrata, inilunsad ng OFW Party List group ang Nego Kart Project.

Ayon kay dating OFW Party List representative Marissa “Del Mar” Magsino, naglalayong mabigyan ng kaunting pagkakakitaan o kabuhayan ang mga OFWs na magdesisyon ng manatali sa bansa sa tulong ng Nego Kart project.

Sinabi ni Magsino na kasama sa mga mabibiyayaan ng ipamamahaging 46 Nego Kart ang mga OFWs na na-repatriate kasunod ang pagsiklab ng kaguluhan sa maraming bansa.

Ipinaliwanag ni Magsino na nauunawaan nila ang kalagayan ng mga OFWs na bumalik ng Pilipinas subalit walang ibang pagkukuhanan ng panggastos para tustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya kabilang na dito ang pambayad sa matrikula ng kanilang mga anak.

“Naiintindihan natin ang kalagayan ng ating mga kababayang OFWs na hindi na makakapag-abroad.

Siyempre nga naman wala na silang kita. Kaya inilunsad natin itong Nego Kart para sila ay ating matulungan na tuloy-tuloy parin ang kanilang income sa pamamagitan ng negosyo,” sabi ni Magsino.

Sabi pa ng dating kongresista na saktong-sakto ang paglulunsad nila sa Nego Kart sapagkat ilang linggo na lamang papasok na ang Disyembre kung saan ang lahat ng mamamayan ay magkukumahog para makapag-ipon upang paghandaan ang holiday.

“Sa pamamagitan nitong Nego Kart hindi na mamo-mroblema ang ating mga OFWs kung saan sila kukuha ng pera para sa holiday season.

Itong Nego Kart ang solusyon sa kanilang problema dahil kahit papaano ay makaka-ipon sila para naman may pang-Noche Buena sila sa kanilang pamilya,” wika pa niya.