Calendar
OFW Party List ikinagalak kampanya ng PNP vs online job scam
IKINAGAGALAK ng OFW Party List Group ang naging pagkilos at kampanya ng liderato ng Philippine National Police (PNP) laban sa human trafficking at sa mga sindikato sa likod ng mga overseas online job scam at iba pang kahalintulad nitong modus.
Pinasalamatan ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino si PNP Chief P/Lt. General Jose Melencio Nartatez dahil sa kanilang maigting na kampanya laban sa human trafficking at mapanlinlang na online job scam kung saan pawang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang binibiktima at iba pang indibiduwal.
Kasabay nito, pinapurihan din ni Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. makaraang ipag-utos nito ang paglulunsad ng malawakang kampanya laban sa human trafficking at pagtitiyak na magiging ligtas ang repatriation ng mga overseas Filipino.
Hinihiling ni Magsino sa PNP ang paglulunsad ng malawakang crack-down o isang one-time bigtime na kampanya laban sa mga sindikatong nasa likod ng naturang modus upang tuluyan ng matigil ang walang pakundangang pambibiktima sa mga OFWs.
Gayunman, ipinahayag ni General Nartatez na tinutugis na ng PNP sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Wokers (DMW) at foreign law enforcement ang mga grupong responsable sa pang-eengganyo sa mga Pilipino sa illegal na online operations sa ibang bansa.
Tiniyak naman ni Magsino na bagama’t hindi sila aktibo ngayong 20th Congress patuloy naman na nakatutok ang OFW Party List Group sa pagtutok sa mga kasalukuyang kaganapan para tulungan ang mga OFWs na biktima ng mga online scam.
“Ang inyong OFW Party List ay palaging nakatutok sa kalagayan ng ating mga kababayang OFWs. Hindi porke’t hindi kami aktibo ngayong 20th Congress ay hihinto narin kami. Hindi po, kami ay aktibong-aktibo sa pagtulong sa ating mga OFWs dahil ito ang aming commitment sa ating mga kababayang overseas Filipino. Nananatili tayong boses ng ating mga OFWs kahit sa pribadong kapasidad,” sabi ni Magsino.
To God be the Glory

