Calendar
Pagkakaligtas ng DMW sa 32 Pinoy seaman na biktima ng pang-aabuso sa Fiji pinapurihan ng OFW Party List
NAGPA-ABOT ng taos pusong pasasalamat ang OFW Party List Group para sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa matagumpay na pagkakaligtas nito at pagbabalik bansa ng tatlong-put-dalawang Filipino seafarers mula sa pang-aabuso ng kanilang amo sa bansang Fiji.
Gayunman, nagpahayag ng kalungkutan si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino dahil sa sinapit ng 32 Marinong Pilipino na dumanas ng pang-aabuso mula sa kanilang employer sa Fiji.
Sinabi ni Magsino na bagama’t umiiral na ang Magna Carta for Filipino Seafarers sa ilalim ng Republic Act No. 12021, nagaganap pa rin aniya ang mga pang-aabuso sa mga Pilipinong Marino tulad ng naranasan ng 32 seafarers katulad ng delayed na sahod at pagmamaltrato.
Labis pang ikinalungkot at ikinadismaya ni Magsino na mabatid nitong ang 32 Pilipinong Marino ay naging biktima ng contract substitution, delayed na sahod at nakakaranas din ng pagmamaltrato mula sa kanilang employer.
Dahil dito, pagbibigay diin ng dating congresswoman na hindi aniya makatao at makatarungan ang sinapit ng 32 Pilipinong Marino sapagkat mistula silang trinantong mga busabos, kung saan ang pangakong P60,000 na suweldo kada buwan ay ginawang P20,000 at kung minsan at naaatraso pa ang pagbibigay nito.
Ayon kay Magsino, nagbigay ng direktiba si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kailangang tiyakin ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na laging nasa maayos na kundisyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa mga bansang pinagta-trabahuhan nila.
Hinihiling ni Magsino sa DMW at OWWA na agad na kumilos upang agad na malaman ang kalagayan ng iba pang Pilipinong Marinero at matukoy ang posibleng paglabag sa kanilang mga kontrata.
Pag-uwi sa bansa ng 32 Pilipino Marino, tumanggap ang bawat isa sa kanila ng P50,000 financial assitance mula sa AKSYON Fund. Kasama sa ipinagkaloob na tulong ang psycho-social services at reintegration support.

