Calendar
Magtatrabaho sa abroad binalaan vs human traffickers
NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko kaugnay ng lumalalang human trafficking na bumibiktima sa mga Pilipino upang dalhin sa ibang bansa at magtrabaho bilang scammer gamit ang mga lehitimong dokumento ng overseas employment.
Ang babala ay kasunod ng pagdating noong Oktubre 17 ng apat na Pilipinong manggagawa mula Laos na unang ipinadala bilang Overseas Filipino Workers (OFWs) patungong Brunei, ngunit kalaunan ay itinawid sa Laos sa pamamagitan ng Thailand.
Ayon sa BI, dumating ang apat na biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng AirAsia mula Don Mueang, Thailand.
Na-recruit ang apat sa pamamagitan ng mga online advertisement na nangangakong may P47,000 buwanang sahod para sa customer support jobs sa Laos.
Pagdating sa Laos, pinilit ang mga biktima na magtrabaho nang hanggang 15 oras kada araw nang walang pahinga at kalaunan ay inatasang gumawa ng mga gawaing hindi kaugnay sa kanilang trabaho gaya ng pamamahala ng mga social media account para sa mga online scam.
Isa sa mga biktima ang umamin na napilitang gumawa ng ilegal na aktibidad habang ang isa pa ay nagsabing na-recruit siya ng dating kakilala sa pamamagitan ng Facebook.
Lahat ng biktima ay humingi ng tulong sa embahada ng Pilipinas sa Vientiane na siyang nag-asikaso ng kanilang repatriation sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinapakita ng kaso ang patuloy na pagbabago ng taktika ng mga sindikato ng human trafficking.
“Sa kabila ng paulit-ulit na babala ng pamahalaan, patuloy pa rin ang panlilinlang ng mga sindikato sa mga Pilipinong desperadong makahanap ng trabaho sa ibang bansa. Ang mas nakakabahala, alam ng mga biktima na may iregularidad sa kanilang pag-alis ngunit pumayag pa rin. Patunay ito sa husay ng panlilinlang ng mga recruiter,” sabi ni Viado.
Muling pinaalalahanan ni Viado ang mga Pilipino na tiyaking sa mga lisensyadong recruitment agency at opisyal na plataporma ng pamahalaan lamang mag beripika ng mga alok na trabaho.

