BI1

Immigration Modernization Bill kasama sa priority; BI chief nagpasalamat

Jun I Legaspi Oct 20, 2025
255 Views

NAGPASALAMAT si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa mga mambabatas sa paglalagay sa listahan sa Immigration Modernization Bill para iendorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Kinilala ang BI Modernization Act bilang isa sa 44 na prayoridad na panukalang batas sa ilalim ng Common Legislative Agenda ng Ika-20 Kongreso.

“Lubos naming pinahahalagahan ang suporta ng mga mambabatas na kinikilala ang kahalagahan ng pag-update sa ating 85-taong gulang na batas sa imigrasyon,” ani Viado.

Binigyang-diin ng mga opisyal na ang modernisasyon ng BI ay mahalaga upang mapahusay ang mga serbisyong ibinibigay sa publiko, mapalakas ang pambansang seguridad, at mapabilis ang ligtas at episyenteng paggalaw ng mga tao sa mga hangganan ng bansa.

“Inaasahan naming maipapasa ang batas para sa modernisasyon, at kami’y kumpiyansa na lalo nitong palalakasin ang aming kakayahang pangalagaan ang bansa at maghatid ng mahusay na serbisyo,” dagdag ni Viado.