Calendar
Malawakang reporma sa PCAB gusto ni Sotto
NANAWAGAN si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ng malawakang reporma sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) kasunod ng mga isiniwalat na anomalya sa sektor ng konstruksyon, partikular sa umano’y material misrepresentation sa ilang rehistradong kumpanya.
Ang panawagan ay isinulong matapos mabunyag ang kahina-hinalang pagmamay-ari ng ilang construction firms na konektado sa mag-asawang Pacifico at Cezarah Rowena Discaya, batay sa nakasaad sa CTA Case No. 10472: St. Timothy Construction Corporation vs. Bureau of Internal Revenue.
Pinagtapat ni Sotto na base sa mga rekord, ang mga kompanyang sangkot ay pinapatakbo at kinakatawan nina G. Pacifico Discaya, Gng. Cezarah Rowena Discaya, Pacifico Discaya II, Ma. Roma Angeline Rimando, at Darryl Mark Pesigal—lahat ay kaanak o tauhan ng pamilya Discaya.
Kinumpirma ng PCAB na ang ganitong pagsasaad ng maling impormasyon ay isang anyo ng material misrepresentation sa proseso ng pagrerehistro at pagkuha ng lisensya.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Sotto ang hamon ng pagpapanagot sa mga ganitong kumpanya dahil sa paggamit ng magkakaibang address. Aniya, “Saan sila hahabulin kung iba-ibang ginagamit na address?”
Iginiit din ng senador na may ilang kontratista na, sa halip na ituwid ang paglabag, ay bumubuo ng panibagong korporasyon o sole proprietorship para muling mag-apply ng lisensya—isang taktikang paulit-ulit na ginagamit upang makaiwas sa pananagutan.
Kinumpirma ni PCAB Executive Director Atty. Herbert Matienzo na ang ganitong sistema ay maaaring pumasok sa ilalim ng material misrepresentation.
Bilang tugon, hinikayat ni Sotto ang mas mahigpit na ugnayan sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Trade and Industry (DTI), gayundin ang pagbibigay ng mas malinaw at matatag na kapangyarihan sa PCAB upang mapigil ang mga ganitong uri ng abuso.
Buong suporta rin ang kanyang ibinigay sa imbestigasyong isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee. Ani Sotto, “We are hoping that this precisely will be the result of your committee—the legislation that we need to do with PCAB, we need to overhaul PCAB.”

