Calendar
Ang site inspection ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa flood mitigation structure sa Barangay Frances, Calumpit, Bulacan, noong Agosto 15.
Source: PCO
Ridon: Imbestigasyon sa gusot sa baha project walang makakalusot
BINUKSAN ng House Infrastructure Committee (Infra-Comm) nitong Martes ang imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga flood control project sa buong bansa, na nangakong walang sasantuhin sa pananagutin sa likod ng mga ghost, substandard at overpriced na proyekto.
Sinabi ni Infra-Comm Chairman Terry Ridon na ang imbestigasyon, na isang pinagsanib na hakbang ng House committees on public accounts, public works at good government, ay tuwirang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
“Pagtugon ito sa panawagan ng Pangulo na siyasatin ang lahat ng mga flood control projects… partikular ang mga proyektong ghost, substandard at sobra ang presyo,” ani Ridon sa kanyang opening statement.
Unang tinutukan ng komite ang P55-milyong flood control project sa Baliuag, Bulacan para sa reinforced concrete river wall na lumabas na hindi naman umiiral.
“We have copies of all relevant documents to build the cases against officials of the DPWH 1st District Engineering Office and the private contractor, Syms Construction Trading, all of whom are involved in the P55-million Baliuag ghost project,” pagbubunyag ni Ridon.
“The threshold for plunder is P50 million. This project is P55 million. Plunder charges should be filed against all involved personalities in the soonest time,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Ridon ang dalawang substandard na proyekto sa Calumpit, Bulacan na isinagawa ng St. Timothy Construction at Wawao Builders.
“The President had found concrete deterioration, with exposed loose cables and wires. The two substandard projects had been built within the last four years,” aniya, sabay banggit na kabilang ang mga kumpanyang ito sa top 15 flood control contractors na pinuna ng Pangulo.
Tinukoy din niya ang mga pag-amin sa Senate Blue Ribbon Committee hearing: “We take notice of Ms. Discaya’s admission that their group started engaging in DPWH flood control projects from 2016 onwards.”
Nilinaw ng Infra-Comm chair na magiging komprehensibo at patas ang imbestigasyon.
“Hindi mahalaga kung saan ipinatupad ang proyekto… kung ghost, substandard o overpriced ang proyekto, sisiyasatin ng komite ‘yan,” diin ni Ridon.
“Hindi rin mahalaga kung sinuman ang sangkot sa mga proyekto, kung mataas na opisyal man ng gobyerno iyan, kontratista man ‘yan, o kongresista o senador man ‘yan, kung ghost, substandard o overpriced ang proyekto, sisiyasatin ng komite ‘yan,” dagdag niya.
Bukod sa pananagutin, sinabi ni Ridon na layon din ng imbestigasyon na maglatag ng mga reporma.
“Layunin nating maglatag ng mga bagong panukala, para magkaroon ng perpetual blacklist ang mga hindi maaayos na mga kontratista. Layunin din nating pasalihin ang pribadong sektor sa mga inspeksyon ng mga proyekto… para putulin ang linya ng korapsyon sa mga proyekto,” aniya.
Binalikan din niya ang mga naunang kaso kung saan naparusahan ang mga opisyal at pribadong indibidwal.
“Sa fertilizer fund scam, may kongresistang na-convict noong 2024. Sa PDAF scam, may mga senador na nakulong… at si Janet Lim Napoles ay na-convict ng plunder at graft,” aniya.
Nangako rin ang House panel na isusumite ang lahat ng natuklasan sa independent commission na nilikha ng Pangulo.
“Lahat ng findings ng komiteng ito ay agad na ipapasa sa Independent Commission… para maipakita sa taong-bayan na wala tayong pinagtatakpang kongresista o senador,” ani Ridon.
“Ipagpapatuloy ang maayos, tatapusin ang hindi maayos,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Ridon ang kahalagahan ng flood control at imprastraktura sa kaunlaran ng bansa.
“May maayos na flood control, at may hindi maayos na flood control. May maayos na imprastraktura, may hindi maayos na imprastraktura. Ipagpapatuloy natin ang maayos, tatapusin ang hindi maayos,” sabi ni Ridon.
Pagkatapos ay sinipi niya ang paalala ni Pangulong Marcos Jr. sa SONA na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga Pilipino: “Isa sa pinakamahalagang bahagi ng talumpati ng Pangulo noong SONA ay ang pagsasabi na dapat hindi tayo mawalan ng pag-asa, ‘dahil ang Pilipino ay likas na matapang, magaling, masipag, matibay, at mabuti.’”
“Layunin din nating patunayan sa bayan na mas marami pa ring mga opisyal at kawani ng gobyernong matapang, magaling, masipag, matibay at mabuti,” dagdag pa ni Ridon.

