Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon

Ridon: Mga opisyal, contractor sa likod ng multong proyekto dapat kasuhan ng plunder

327 Views

POSIBLE umanong maharap sa kasong plunder ang mga opisyal ng pamahalaan at pribadong kontratista na nasa likod ng mga maanomalyang flood control projects, ayon kay House Infrastructure Committee Chairman Terry Ridon.

Sa pagbubukas ng joint hearing ng House committees on public accounts, public works at good government nitong Martes, sinabi ni Ridon na ang imbestigasyon ay tugon sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Pagtugon ito sa panawagan ng Pangulo na siyasatin ang lahat ng mga flood control projects… partikular ang mga proyektong ghost, substandard at sobra ang presyo,” ani Ridon.

Unang tinutukan ng komite ang P55-milyong halaga ng proyekto para sa reinforced concrete river wall sa Baliuag, Bulacan, na natuklasan mismo ng Pangulo na wala naman pala.

“We have copies of all relevant documents to build the cases against officials of the DPWH 1st District Engineering Office and the private contractor, SYMS Construction Trading, all of whom are involved in the P55-million Baliuag ghost project,” ani Ridon.

Kasabay nito ay nagbigay rin siya ng mariing babala: “The threshold for plunder is P50 million. This project is P55 million. Plunder charges should be filed against all involved personalities in the soonest time.”

Binanggit din ni Ridon ang mga substandard flood control na pinatayo sa Calumpit, Bulacan, na ang contractor ay ang St. Timothy Construction at Wawao Builders.

“The President had found concrete deterioration, with exposed loose cables and wires. The two substandard projects had been built within the last four years,” aniya, sabay banggit na kabilang ang dalawang kompanya sa top 15 flood control contractors na tinukoy ng Pangulo.

“We take notice of Ms. Discaya’s admission that their group started engaging in DPWH flood control projects from 2016 onwards,” dagdag pa niya.

“Hindi mahalaga kung saan ipinatupad ang proyekto… kung ghost, substandard o overpriced ang proyekto, sisiyasatin ng komite ‘yan. Hindi rin mahalaga kung sinuman ang sangkot… kung mataas na opisyal man ng gobyerno ‘yan, kontratista man iyan, o kongresista o senador man ‘yan,” wika ni Ridon.

Sinabi ni Ridon na layunin din ng mga pagdinig na isulong ang mga reporma para maiwasan ang mga susunod pang anomalya.

“Layunin nating maglatag ng mga bagong panukala, para magkaroon ng perpetual blacklist ang mga hindi maaayos na mga kontratista. Layunin din nating pasalihin ang pribadong sektor sa mga inspeksyon ng mga proyekto… para putulin ang linya ng korapsyon sa mga proyekto,” sabi niya.

Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Ridon ang kahalagahan ng accountability at reporma.

“May maayos na flood control, at may hindi maayos na flood control. May maayos na imprastraktura, may hindi maayos na imprastraktura. Ipagpapatuloy natin ang maayos, tatapusin ang hindi maayos,” aniya.

Dagdag pa niya: “Layunin din nating patunayan sa bayan na mas marami pa ring mga opisyal at kawani ng gobyernong matapang, magaling, masipag, matibay at mabuti.”