Calendar
MAPAGKAKATIWALAAN BA VP SARA SA PONDO NG GOBYERNO? — ADIONG
ANG sinasabing kabiguang sundin ang mga batayang tuntunin sa paggamit ng confidential funds, sa kabila ng ilang taong karanasan sa paghawak ng naturang pondo, ay direktang may kaugnayan sa pagiging karapat-dapat ni Vice President Sara Z. Duterte na humawak ng isang pampublikong tungkuling nakabatay sa tiwala ng mamamayan, ayon sa impeachment team ng Kamara.
Ayon kay House impeachment trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa isang panayam kay Christian Esguerra sa Facts First, mahalaga ang ebidensiyang iniharap ng prosekusyon hinggil sa Joint Circular No. 2015-01 dahil may kaugnayan ito sa mas malawak na pamantayang itinatakda ng Konstitusyon sa pag-uugali at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
“Mapagkakatiwalaan ba natin ang Vice President sa paggamit ng resources ng gobyerno, gayong hindi niya nasunod ang isang napakabatayang polisiya, lalo na’t abogado siya at mahigit tatlong taon na siyang gumagamit ng confidential funds,” sabi ni Alonto Adiong.
Itinatakda ng Joint Circular No. 2015-01 na ang pinuno ng ahensya ang may responsibilidad na mangasiwa sa paggamit ng confidential funds, magpanatili ng epektibong internal controls, mag-apruba ng cash advances at liquidation reports, at tiyaking nasusunod ang mga umiiral na tuntunin. Samantala, ang itinalagang Special Disbursing Officer ang responsable sa aktuwal na pagpapalabas at accounting ng pondo.
Iginiit ni Alonto Adiong na ang dating karanasan ni Duterte sa paggamit ng confidential funds noong siya ay alkalde ng Davao City ay lalong nagpapahalaga sa umano’y paglihis sa mga tuntunin habang siya ay nasa Office of the Vice President.
“Pero ang mismong katotohanan na kahit ang simpleng joint circular na alam mong umiiral dahil naging mayor ka at gumagamit ka na ng confidential funds bago ka pa naging Bise Presidente ay nilabag mo—napakasimple lang ng polisiya, hindi mo sinunod, at nag-utos ka pa ng isang tao para balewalain at labagin ito,” sabi ni Adiong.
Nagpatotoo si Acosta na inatasan umano siya ni Duterte na ibigay ang cash mula sa confidential fund kay Lachica, kahit si Acosta ang itinalagang bonded officer na may pananagutan sa naturang pondo. Ayon sa prosekusyon, ang naturang arrangement ay lumabag sa mga tuntuning nakasaad sa joint circular.
Para kay Alonto Adiong, ang umano’y paglihis sa isang batayang safeguard ay hindi lamang usapin ng accounting o paghawak ng pera. Isa rin itong usapin ng pamumuno, lalo na’t ang impeachment charge ay tumutukoy sa tanong kung nagtaksil ba si Duterte sa tiwala ng publiko na kaakibat ng kanyang posisyon.
“Anong klaseng lider ang gumagawa niyan? Ang pagiging karapat-dapat at karakter ng isang lider, at ang posisyong kanyang hinahawakan, ay maaaring maging usapin sa impeachment,” sabi ni Adiong.
Itinatakda ng Article XI ng Konstitusyon na ang pampublikong tungkulin ay isang pampublikong tiwala (public trust). Kabilang din sa mga batayan para ma-impeach at maalis sa puwesto ang Bise Presidente ang pagtataksil sa tiwala ng publiko at culpable violation of the Constitution o mapanagutang paglabag sa Konstitusyon.
Sinabi ni Alonto Adiong na layunin ng prosekusyon na suriin ng mga senador na nagsisilbing impeachment judges ang mga transaksyon kaugnay ng confidential funds batay sa antas ng pananagutan na inaasahan sa isang opisyal na pinagkatiwalaan ng pera ng bayan at kapangyarihang konstitusyonal.
“Kaya iyon pa lamang ay nagpapatunay na may culpable violation of the Constitution, dahil malinaw na sinasabi ng Konstitusyon na ang public office ay isang public trust. Kaya paano ka mapagkakatiwalaan sa mandatong ibinigay sa iyo ng taumbayan kung binalewala mo ang simpleng polisiya sa paggamit ng confidential funds?” ani Alonto Adiong.

