Calendar
May boga sa tricycle na-checkpoint, nasakote
TIMBOG pagkatapos ng habulan ang pasahero ng tricycle na may walang lisensyang baril ng sitahin ang mga pulis na nagpahinto sa sinasakyan niyang tricycle noong Huwebes sa Taguig City.
Tinangka pang tumakas ni alyas Orlando, 22, ng balyahin ang humaharang na pulis kaya nalaglag ang nakasukbit na baril hanggang tuluyan siyang makorner sa Bambang ni Peles St. dakong alas-11:05 ng gabi.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nasa checkpoint sa kanto ng DMC St. at Bambang ni Peles St. ang mga pulis ng parahin ang tricycle na sinasakyan ng suspek para beripikahin ang lisensya ng driver at rehistro.
Nairita ang suspek dahil naantala ang kanilang biyahe kaya’t sinigawan ang mga pulis.
Nakuha ng mga pulis sa lugar ang walang papeles na .9mm Glock 17 Gen 4 pistol na may walong bala.

