Calendar
Nagbenta ng boga sa parak tiklo
NADAKIP sa entrapment ang dalawang hinihinalang miyembro ng gun running syndicate na nagbenta ng mga baril sa pulis na nagpanggap na buyer noong Huwebes sa Parañaque City.
Hindi na nakapalag sina alyas Toto, 32; at kasabwat niyang si Joane, 35, ng mapaligiran ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco dakong alas-6:00 ng gabi malapit sa Car City Garage sa Mia Road, New Seaside Drive.
Nahuli sila matapos makipagtransaksiyon sa tauhan ni P/Maj. Fort Anthony Valdez, hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa dalawa ang limang cal .38 revolver na ibinebenta, dalawang cellular phone at boodle money na may nakapaibabaw na tunay na P1,000 na ginamit sa operasyon.
Ayon kay BGen Cinco isasailalim sa beripikasyon sa Firearms and Explosives Office (FEO) ang mga nakumpiskang armas upang alamin kung nagamit sa mga krimen.

