Calendar
PHOTOS CREDIT TO THE OWNER
Mga kawatan nagpakalat ng pekeng BBM rice stubs

LUPAO, Nueva Ecija – Binalot umano ng kontrobersiya ang isinagawang pamamahagi ng libreng bigas mula sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos na Bawat Bayan Makikinabang sa bayang ito matapos matuklasan na may pekeng stubs umano na kumalat para makakuha ng ayudang bigas ni PBBM dito.
Sa ginanap na mass distribution ng BBM rice nitong Martes, mga residente ng apat na barangay sa bayang ito ang tumanggap ng ayuda mula sa national government na pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan sa pakikipag-koordinasyon sa mga barangay.
Sa Facebook post ng DWNE Teleradyo, kinilala nito ang apat na barangay ng Namulandayan, Poblacion North, Poblacion East at Poblacion West ang nabiyayaan sa distribusyon na ginanap dakong alas 3:15 p.m. sa Municipal Umali Gym.
Umapela si Gov. Aurelio M. Umali sa mga sangkot sa nasabing maling gawain na itigil ito at isiping una ang higit na kapakinabangan ng programa para sa kapwa kababayan at hindi ang pansarili lamang.
Nagbabala din sa publiko si Umali na maaari silang masampahan ng kaukulang kaso kapag napatunayan ang kanilang partisipasyon sa mapagsamantalang gawaing ito.
Nag-viral ang nasabing social media post kung saan inabot ito ng 340 reactions, 73 comments at 451 shares as of 8:38 a.m. araw ng Miyerkules.
Makikita sa larawan na may ticket stubs umano na magkakapareho ang kanilang numero.
Samantala, patuloy ang mass distribution ng BBM rice ngayong araw Agosto 12 sa siyam na barangay ng Pantabangan.
