Pic

Mga litratong nag-uugnay kina Sens. Jinggoy, Joel at engineer Alcantara inilantad ni Hernandez

Mar Rodriguez Sep 9, 2025
366 Views

Pic1Pic2JinggoyPic3NAGHARAP ng mga katibayan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Brice Ericson Hernandez sa pamamagitan ng mga litrato para patunayan at ma-establisa ang ugnayan sa pagitan nina Senators Jinggoy Ejercito Estrada, Joel Villanueva at ang nasibak na district engineer ng DPWH na si Henry Alcantara na inakusahang pasimuno ng multi-milyong kickback mula sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee (InfraComm). Isiniwalat ni Hernandez na nakinabang at nabiyayaan sina Estrada at Villanueva mula sa tumatanggingting na P955 milyong halaga ng flood control projects sa Bulacan kung saan ang naturang dalawang Senador ay nakatanggap ng 30% bilang Standard Operating Procedure (SOP).

Para pagtibayin ang kaniyang ang kaniyang testimonya inilabas ni Hernandez ang mga larawan nina Estrada at Alcantara na kuha mula sa birthday party ng Senador sa Solaire Resort Hotel para patunayan na ang “close relationship” ng dalawa.

“To be honest your Honor. I do not know when this picture was taken but I’m just trying to show that Mr. Alcantara, Engineer Henry Alcantara and Senator Jinggoy Estrada have met a couple of times already,” sabi nito.

Nang tanungin naman si Hernandez kung gaano kalapit sina Estrada at Alcantara. Sinabi nito na: “They appear super close, your Honor”.

Ayon pa kay Hernandez, inutusan umano silang ihanda o ayusin ang bulto-bulto ng pera mula sa mga taong pagbibigyan nito.

” Your Honor, hindi ko alam kung sino. Basta kami ay inutusan nilang agusin ang pera. Itong amount na ito para sa ganito. Ihanda mo diyan, may pagbibigyan niyan. Ganoon lang, sine-segrade namin ang mga pera,” dagdag pa ni Hernandez.

Sinabi pa ni Hernandez na napag-desisyunan na nitong ilantad ang lahat ng kaniyang nalalaman patungkol sa maanomalyang proyekto matapos siyang patawan ng contempt ng Senate Blue Ribbon Committee at makulong sa premises sa Senado.

Paliwanag ni Hernandez na habang siya ay naka-detain sa Senado ay napag-nilay-nilayan nito at mag-desisyon na ilantad na ang lahat ng kaniyang nalalaman sa flood control project batay sa kaniyang natatandaan bilang assistant district engineer.

Ayon kay Hernandez, ginawa umanong bagmen o legmen ng mga Senador at DPWH officials ang mga district engineers para sa infrastructure funds na umaabot sa bilyong piso.

Dahil dito, pinangalanan ni Hernandez sina Estrada at Villanueva kasama si DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at DPWH district engineer Henry Alcantara na tumatanggap ng pera mula sa nasabing maanomalyang proyekto.

Sabi pa ni Hernandez na 30% ang commitment umano o ang project kickbacks na tinanggap nina Estrada at Villanueva.

Binanggit pa nito na P355 milyong piso halaga ng proyekto ang napunta kay Estrada kung saan ito ay kinabibilangan ng construction ng flood mitigating structures na may pumping station, floodgates sa Barangay Mercado Hagonoy Bulacan na nagkakahalaga ng P60 milyong piso bawat isa.

Sabi pa ni Hernandez na habang si Villanueva naman ay nakakuha ng P600 milyong piso para sa river flood mitigating structures sa Balagtas at Bocaue, Bulacan kung saan ang bawat isa ay nagkahalaga ng P75 milyong piso bawat isang proyekto.