Lacson

Mga senador ginisa sina DPWH Engr. Hernandez, Contractor Mina Jose

653 Views

UMINIT ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng DPWH para sa flood control nang harapin ng nakakulong na engineer na si Brice Ericson Hernandez ang mga mambabatas na tinukoy niya sa umano’y budget “insertions.”

Mariing itinanggi nina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ang mga paratang, habang iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ang kanilang pagtanggi ay hindi katumbas ng paglilinis ng pangalan.

Ayon kay Lacson, ang pagpayag na harapin nina Estrada at Villanueva ang akusador ay hindi nangangahulugang sila ay abswelto na. Tinukoy niya ang beripikasyon ng komite sa dokumento ng budget na nagpapakitang parehong totoong entry ang ₱600 milyon na iniuugnay kay Villanueva sa 2023 General Appropriations Act sa ilalim ng Unprogrammed Funds at ang ₱355 milyon na iniuugnay kay Estrada sa 2025 budget. Binigyang-diin niyang nasa aklat ang mga ito at ang susunod na hakbang ay patunayang kung nayurakan ang pondo at kung sino ang responsable.

Nagpatotoo si Hernandez sa nagdaang pagdinig sa Kamara, na may ₱355 milyong insertion si Estrada sa 2025 budget at ₱600 milyon si Villanueva sa 2023, na umano’y idinaan sa District Engineer na si Henry Alcantara at Engineer JP Mendoza na may 30 porsiyentong hati.

Hinarap at pinabulaanan nina Estrada at Villanueva ang mga alegasyon ni Hernandez.

“May nakita ka ba na binigyan ako ni Alcantara ng pera? Did you ever see it happen?” Tugon ni Hernandez: “Wala po.” Sabi ni Estrada: “So wala kang nakita. Okay. That’s all, Mr. Chair.”

Bumuwelta rin si Villanueva kay Engr. JP Mendoza kung saan ay iginiit ang umano’y mali sa timeline ni Mendoza, kabilang ang sinabing miyembro siya ng Commission on Appointments noong 2022–2023 kahit taliwas sa rekord. Ibinasura rin ni Villanueva ang mga ipinakitang screenshot bilang ebidensiya: “Metadata and images can be altered. These so-called pieces of evidence can be fabricated.” Nagpresenta si Villanueva ng liham mula sa Okada Manila na umano’y nagpapatunay na gumamit si Hernandez ng alias at pekeng ID sa casino. “No flood control project under my name exists in the GAA. These lies are a smear campaign not just against me but against my faith community,” aniya.

Pinangunahan ni Lacson ang pagtatanong ukol sa ulat ng ₱457 milyong cash delivery noong March 24, 2025. Kumpirmado umano ang halagang ito ni witness Sally Santos, na sumalungat sa naunang pahayag ni Hernandez na ₱100 milyon lamang. “Why are contractors delivering cash to government offices? Bakit cash sa opisina at tambayan, hindi sa banko?” tanong ni Lacson.

Ipinunto rin niya ang ebidensiya ng ₱700 milyon sa casino chip conversions at panalo, na nagpapataas ng hinala na ang pondo ng bayan ay umano’y nilaba sa sugal. Umamin si Hernandez na nagsusugal siya kasama si Alcantara. Ibinahagi pa ng mga testigo ang umano’y breakdown ng “standard operating procedure” kickbacks: anim na porsiyento para sa Bids and Awards Committee, 8.5 porsiyento para sa flood-control projects, at hanggang 30 porsiyento para sa proponents ng insertions.

Lumabas din sa testimonya na umano’y ginamit ng grupo ni Hernandez ang pondo ng proyekto para sa mga luxury item.

Sa pagtatanong nina Senate President Vicente Tito Sotto at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, inamin ni Hernandez na mga humigit-kumulang ₱10 milyon ang itinalaga para sa isang GMC truck na para raw kay Alcantara. Inamin naman ni Alcantara na tumanggap siya ng mga sasakyan, kabilang ang isang GMC at Toyota Land Cruiser 300. Iniulat din ng mga ulat na si Alcantara umano ang humiling ng isang Patek Philippe watch na nagkakahalaga ng higit ₱5 milyon bilang regalo sa kanyang kaarawan—isang bagay na lalong nagpatindi sa hinala ng labis na maling paggamit ng pondo.

Sinuri rin ng blue ribbon panel ang mga text message sa pagitan nina Hernandez at Carlo Rivera, Administrative Officer sa opisina ni Alcantara. Lumabas sa mensahe na kinilala ni Carlo Rivera ang pagtanggap ng isang “obligation” at ipinasa ito sa isang “Beng Ramos,” na iniuugnay ni Hernandez sa opisina ni Estrada. Itinanggi ni Estrada na may empleyadong ganoon ang pangalan at tinawag na imbento ang paratang.

Nakita rin sa pagdinig ang contractor na si Mina Elamparo Jose ng WJ Construction matapos na banggitin ni Hernandez ang kanyang pangalan sa Kamara.

Sinabi ni Hernandez na si Jose diumano ang naatasang maghatid ng obligations—perang umano’y para sa proponents. Sa pagtatanong ni Lacson, kinumpirma ni Hernandez: “Pera po siya para sa proponent.”

Mariing itinanggi ito ni Jose.

“I strongly deny his accusations, the baseless and malicious accusations he threw against me and WJ Construction.” Paliwanag niya, iisa lamang ang proyekto ng WJ sa flood control na ₱24 milyon sa Maynila at wala sa Bulacan. Inamin niyang bumisita siya sa Senado noong August 19, 2024, para sa isang ocular sa opisina ni Senator Erwin Tulfo.

Kumpirmado ni Tulfo ang project request ngunit sinabi niyang kinansela ito nang lumutang ang pangalan ni Jose. Ibinunyag din niya na ipinakita ng CCTV na bumisita si Jose sa Blue Ribbon Oversight Office Management sa parehong araw: “Parang ginamit ang opisina ko para dumaan siya sa BROOM kung ano man ang kanyang business doon.”

Mariing itinanggi ni Alcantara na siya ang bagman ng mga mambabatas, ngunit siya ay na-contempt dahil sa umano’y paikot-ikot na sagot.

Iginiit ng mga senador na minamaliit niya ang papel niya sa umano’y ghost projects at mga luxury gift.

Binigyang-diin ni Lacson na kahit nakarekord ang pagtanggi nina Estrada at Villanueva, hindi nito binubura ang mga alokasyon sa opisyal na budget. “What we have on record are insertions totaling ₱600 million and ₱355 million. These exist in the GAAs. The next step is proving whether these were misused and by whom,” aniya.

Nananatiling nasa kustodiya ng Senado si Hernandez, nananatili ang contempt laban kay Alcantara, at inaprubahan ang karagdagang subpoena para sa mga rekord ng contractor at procurement documents.