Scatter

Mister pinatalo sweldo sa Scatter hinabol ng taga ni misis

Edd Reyes Dec 18, 2025
314 Views

PATULOY na umaani ng viewers ang viral video ng ginawang paghabol ng taga ng galit na galit na misis sa kanyang mister sa lalawigan ng Samar.

Hapon noong nakaraang linggo ng Martes, Disyembre 12, nangyari ang insidente sa Barangay Maragano, Palapag, Northern Samar na hanggang sa kasalukuyan ay patok pa rin sa mga viewers at umani ng katakot-takot na komento.

Sa viral video, makikita ang pagkaripas ng takbo ng mister habang hinahabol ng misis na armado ng itak na sinusundan naman ng dalawang lalaki.

Nang abutan ng dalawang lalaki si misis, pilit siyang pinakalma at kinuha ang dalang itak pero kitang-kita pa rin ang pagpalag habang inilalayo pabalik sa kanilang tirahan ng umawat na kapitbahay.

Nagngitngit umano sa galit si misis sa asawa nang matuklasang nasimot ang sahod sa paglalaro ng scatter na isang uri ng slot machine sa online.

Upang hindi na maulit ang habulan ng taga, nagpasiya si mister na huwag na munang umuwi ng bahay at nagpasiyang manirahan muna sa kanyang mga magulang habang umalis at nagtungo na rin sa Catarman si misis.