Calendar
Moratorium sa pagbabayad ng bahay aprubado ng DHSUD
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Crising, nag-alok ng payment moratorium at calamity loan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng mga ahensyang kaagapay nito.
Ang Social Housing Finance Corporation (SHFC), National Housing Authority (NHA), at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) ay nagpatupad ng isang buwang moratorium sa bayad-utang ng mga benepisyaryo sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Ang Pag-IBIG Fund ay nagbukas ng Calamity Loan Program sa lahat ng sangay sa bansa. Pwedeng ma-avail ang laok ng Pag-IBIG kung: hihiramin ng mga kwalipikadong miyembro ang hanggang 90% ng kanilang kabuuang savings sa Pag-IBIG, kasama ang buwanang hulog, ambag ng employer at mga naipong dibidendo.
Sakop rin nito ang insurance claims para sa mga borrower ng housing loan na nasira ang ari-arian dahil sa bagyo.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ito ay bahagi ng sabayang pagkilos ng mga ahensya ng pabahay upang mapagaan ang pinapasan ng mga pamilya at makatulong sa kanilang pagbangon.
“Ang moratorium ay magsisilbing bawas alalahanin samantalang ang calamity loan naman ay magbibigay ginhawa kahit papaano sa ating mga kababayang biktima ng kalamidad,” ani Secretary Aliling.
Nakikipag-ugnayan din ang DHSUD sa mga LGU para sa Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) kung saan ang mga LGU ang tumutukoy sa mga naapektuhang lugar at benepisyaryong kuwalipikado.
Kasalukuyang inaayos ng Pag-IBIG, SHFC, NHA, at NHMFC ang mga abiso sa mga borrower at pinapasimple ang proseso ng aplikasyon upang mabilis na maisakatuparan ang moratorium at calamity loan program.

