Calendar
Mungkahi: Online gambling higpitan, underground bantayan
ITINUTULAK ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapatupad ng mas mahigpit ngunit makatwirang regulasyon sa online gambling sa bansa. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mas epektibong pangangasiwa upang mapigilan ang mga pang-aabuso at iligal na aktibidad, nang hindi itinutulak ang industriya sa tinatawag niyang “underground.”
Sa isang press conference nitong Martes, isinaad ni Gatchalian ang mahahalagang probisyon sa isang panukalang batas na naglalayong tugunan ang mga kahinaan sa kasalukuyang sistema ng online gambling. Isa sa mga pangunahing mungkahi ay ang pagpapatupad ng mas mahigpit na “Know Your Client” system na gagamit ng biometric verification upang matiyak na ang mga manlalaro ay may edad na 21 pataas. “So ngayon dapat may biometrics, kapakita mo ang ID mo, at iba pang measures para kasigurado na over 21 ka,” ani Gatchalian.
Iminungkahi rin niyang ipagbawal ang mga advertisement ng sugal sa mga lugar na malapit sa mga paaralan, simbahan, at mga tanggapan ng pamahalaan. “Bawal mag-advertise near schools, churches, government establishments,” paliwanag niya, at iginiit na dapat sa mismong lugar ng transaksyon lamang pinapayagan ang promosyon.
Upang hadlangan ang padalus-dalos na pagsusugal gamit ang digital payment systems, iminungkahi rin ni Gatchalian na tanggalin ang koneksyon ng gambling platforms sa mga e-wallet services gaya ng GCash. “Pagkating sa top-up, pagbabawalan namin ang link sa GCash,” saad niya.
Sa kabilang banda, kinilala rin ni Gatchalian ang hamon ng pagregula sa mga dayuhang operator na walang pisikal na presensya sa bansa. Ipinaliwanag niyang mahirap ipatupad ang batas laban sa mga platform na naka-host sa ibang bansa. Aniya, kailangang kumuha ng pahintulot mula sa PAGCOR ang sinumang kompanyang gustong mag-operate sa loob ng bansa.
Gayunpaman, nagbabala ang senador laban sa sobrang mahigpit na hakbang na maaaring magbunsod ng hindi inaasahang resulta. “Napakadaling mag-setup ng website… baka mag-underground,” babala niya, tinutukoy ang posibilidad na lumipat sa black market ang operasyon ng mga hindi rehistradong gambling sites kung masyadong pipigilan ang legal na industriya.
Sa huli, binigyang-diin ni Gatchalian ang layuning makahanap ng tamang balanse—pagitan ng pagpayag sa legal na operasyon at pagbibigay-proteksyon sa mga mahihinang sektor. “So ipitan nilang natin ang regulation. Yan ang nakikita kong moving forward,” pagtatapos niya.

