Calendar
Tuloy-tuloy na suporta sa sports program tiniyak ni re-elected Leyte Rep. Romualdez
Para makapaghubog ng world-class Filipino athletes
KINILALA ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang kakayahan at determinasyon ng mga atletang Pilipino upang manalo sa mga pandaigdigang kompetisyon.
At upang marating ito, tiniyak ni Romualdez sa publiko ang patuloy na paglalaan ng Kongreso ng pondo upang suportahan ang kanilang pagsasanay at pag-unlad bilang mga kampeon.
Ang pangakong ito ay kasunod ng anunsyo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng P360-milyong proyektong dormitoryo para sa 400 student-athletes ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac. Inaasahang matatapos ang pasilidad sa 2026.
Ang patuloy na pagtutok ng pamahalaan sa pagpapabuti ng mga pasilidad at suporta sa pagsasanay para sa mga batang atleta ay kasunod ng makasaysayang pagwawagi ni Alex Eala bilang second placer sa Lexus Eastbourne Open nitong weekend—ang una sa kasaysayan para sa isang Pilipino na umabot sa singles final ng Women’s Tennis Association (WTA) Tour.
Pinuri rin ni Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtutok at pagbibigay ng prayoridad sa kapakanan at kinabukasan ng mga student-athlete, lalo na sa pamamagitan ng pagpapatayo ng makabago at world-class dormitories sa NAS.
“Congratulations to President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr., through the BCDA and DBM, for this visionary initiative. This dormitory will serve not just as a facility, but as a home for our student-athletes to dream big and strive for gold,” ayon kay Romualdez.
“More than brick and mortar, such facilities represent the hopes of Filipino youth for a better and brighter future,” dagdag pa ng mambabatas.
Binigyang-diin ni Romualdez na patuloy na itataguyod ng Kongreso ang mga panukalang batas at suporta sa badyet para sa sports development, lalo na sa mga programang nagpapalago sa potensyal ng mga batang atleta sa mga pampublikong institusyon gaya ng NAS.
“Our student-athletes have the natural talent for sports. With sufficient government support, they have what it takes to bring honor to our country. It is our duty as lawmakers to ensure that their talent, grit, and determination are not wasted but rather nurtured and developed,” ani Romualdez.
“I commit to reviewing the national budget to ensure these facilities receive the necessary legislative backing—from sufficient funding to sustainable operations,” dagdag pa ng kongresista.
Iginiit ni Romualdez ang kahalagahan ng matagalang pamumuhunan ng pamahalaan sa pagpapanday ng atletang Pilipino, kabilang ang kalidad na pagsasanay, tamang nutrisyon at suporta sa akademikong aspeto.
“With Congress’s support, we can lay the groundwork for world-class training and holistic athlete development, empowering them to dream bigger and shine brighter,” wika pa ng pinuno ng Kamara.
Ang itatayong dormitoryo ay isang limang-palapag na gusali na may 14 na silid para sa babaeng estudyante at 14 na kuwarto para sa mga lalaki.
Magkakaroon ito ng atrium, dining hall, recreational spaces, kitchen at dishwashing area, mga opisina ng administrasyon, at mga silid para sa laundry at utility.
Sa ngayon, may 270 student-athletes ang naka-enroll sa NAS at nagsasanay sa iba’t ibang larangang pang-akademiko at pampalakasan. Kasalukuyan ding itinatayo ang bagong gymnasium at gymnastics court para suportahan ang kanilang pagsasanay.

