Nadia Source: Nadia Montenegro

Nadia Montenegro, naghain ng magkahiwalay na kaso sa Caloocan at Pasay Cities

Edd Reyes Oct 1, 2025
325 Views

NAGHAIN ng magkahiwalay na kaso sa Caloocan at Pasay Cities ang aktres na si Nadia Montenegro laban sa dalawang pahayagan na nag-ulat umano na nahuli siyang gumagamit ng marijuana sa loob ng comfort room sa gusali ng Senado at sa isang pang Senate Staff.

Kasama ni Montenegro, na dating staff ni Senator Robin Padilla, ang kanyang abogadong si Atty. Maggie Abraham Garduque nang magsampa ng kasong libelo sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa dalawang publication Miyerkules ng hapon.

Matapos nito, nagtungo naman si Montenegro sa Pasay City upang maghain naman ng kasong unjust vexation at paglabag sa Safe Spaces Act o kilala bilang Bawal Bastos Law laban sa isa namang lalaking staff sa Senado dahil sa umano’y pagkaladkad sa kanya at pagsasandal sa pader sa loob ng Senate Hall na isa aniyang panggigipit na ipinagbabawal ng batas.

Sinabihan umano siya ng lalaking staff na mag-ingat dahil maraming naiinggit sa kanya at nang mapadaan siya sa isa pang staff member ay nakaamoy siya ng marijuana kaya’t nilinaw niya na vape lang ang laman ng kanyang bag na kanya pang pinabubuksan.

Makaraan aniya nito, nagulat na lang siya dahil may lumabas ng larawan niya sa mga balita na inaresto siya gayung hindi naman ito totoo at walang nangyaring pag-aresto.

Malinaw din aniya sa report ng Senate’s Office of the Sergeant at Arms (OSAA) na isang grape-flavored vape at hindi marijuana ang nakita sa kanya.